GENERAL TRIAS CITY, Cavite – Labing-isang katao, kabilang ang dalawang teenager, ang napaulat na nasaktan nitong Linggo makaraang mahulog sa palayan ang sinasakyan nilang bus habang tinatahak ang Bacao Diversion Road, iniulat ng pulisya kahapon.
Lulan ang 11 biktima sa truck-bus (DXE-269) na minamaneho ni Laurencio Recomono Casipong, 31, nang tangkain ng huli na mag-overtake sa isang mini-bus sa nabanggit na kalsada.
Kinilala ni PO3 Ramil Valentin Remotin ang mga nasugatan na sina Petronilo Sermania Pilit, 38; Juncel B. Aguja, 18, kapwa production operator; Angelito Diaz, 52, mason; isang Felix Bagolong; Rolly Acido, 18; isang Ruben B. Diwa Jr.; Phillip V. Reyes, 27; Alvin Jay Lerma Rodriguez, 22; Darwin Castillo Anoso, 22; Kim Richard Huertas Carandang, 23; at Gino Dayo De Ocampo, 23, factory worker.
Ang mga biktima, na karamihan ay nagtamo lang ng minor injuries, ay pawang taga-Tanza, Cavite, maliban sa dalawang mula sa Barangay Pasong Buaya II sa Imus City.
Isinugod sila sa Divine Grace Medical Center sa General Trias City para malunasan.
Ayon kay Remotin, nawalan ng kontrol si Casipong sa manibela habang nilalampasan ang mini-bus.
Patungong Kawit, sumampa ang bus sa gutter ng kalsada bago nagtuluy-tuloy sa isang palayan, dakong 5:30 ng umaga kahapon. (Anthony Giron)