KAILAN daw kaya magkakaroon ng pantay na karapatan at pagtingin ang gobyerno sa mga teacher at sa iba pang mga propesyunal? Talaga bang napakaliit ng tingin ng mga opisyal ng ating gobyerno sa ating mga guro? Sila ba ay itinuturing na mga second-class professional lamang ng ating mga opisyal, partikular na ng mga nasa Kongreso at Senado?
Kamakailan, ilang grupo ng teachers ang umapela sa mga senador na magsasagawa ng susog sa Salary Standardization Law (SSL) 2915 para maging makahulugan ito at nakatutugon sa pangangailangan ng mga civil servant ng bansa. At nakatuon ang kanilang pag-asa na sa naturang susog sa binabalak na batas ay maisasama ang pagbabago sa pagdaragdag ng sahod ng public school teachers.
Ngunit lagi na yatang kabuntot ng pagsasagawa ng anumang hakbang na makabubuti sa kanilang kalagayan ang kabiguan. Hindi pa natatagalan ang kanilang apela ay nabigo na ang Kongreso na aprubahan ang Salary Standardization Law, na tanging pag-asa sana ng mga guro.
Bilang isa ring dating guro, nakalulungkot na parang ang gobyernong ito ay matamlay o talagang walang lingap sa mga karaniwang mamamayan. Doon sa itinuturing nilang nasa mababang uri ng propesyon.
Ang hiling ng pagbabawas ng buwis para makatulong sa mga pobreng empleyado, na makatutugon sa kanilang lumalaking gastos at mga pangangailangan ay inayawan ng Pangulo. Halos ay hindi iniintindi ang pagdaragdag, kahit na kaunti, sa suweldo ng mga karaniwang manggagawa, samantalang hindi napipigilan ang pangungurakot ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kinukunsinti ang PDAF, DAP at ang naglalakihang bonus ng mga opisyal ng mga departamento, ng mga pinuno ng sangay na pag-aari nito, at ng iba pang mapapalad na opisyal.
Kawawang talaga ang mga guro, mga pulis, mga sundalo at iba na nagkataong hindi naging paborito ni PNoy. Maliban sa kakarampot na ipinagkaloob sa pinili nilang pamilya ng mga yagit na magsikain-dili ay wala na silang nililingap.
Maging ang kakarampot na pensiyon ng mga senior citizen ay hindi naiisipang dagdagan. At ang naiisip na dagdagan ng Department of Budget and Management, sa panukala ni Secretary Abad, ay ang “itaas hanggang langit” ang suweldo ng Pangulo.
Bakit kaya malupit ang gobyernong ito? (ROD SALANDANAN)