SA biglang tingin, ang pagtatatag ng nursing home para sa mga senior citizen ay isang makataong hakbang na nangangalaga sa nakatatandang mamamayan na minsan din namang nagbigay-dangal sa lipunan. Sa isang panukalang batas na isinusulong sa Kamara, ang nursing home ang magsisilbing tahanan ng mga senior citizen na inabandona na ng kanilang mga kamag-anak.
Subalit hindi ko makita ang lohika ng panukalang batas na ito. Sapat na ang bilang ng nasabing proyekto na naglalayong iligtas mula sa pagmamalabis ang kahabag-habag na mga senior citizen. Ilan lang sa mga ito, halimbawa, ay ang Golden Acres, Home for the Aged, Tahanang Walang Hagdan at iba pa, na laging nakahanda sa pagsaklolo sa mga pangangailangan ng mga senior citizen. Bukod pa rito ang mga pribadong ampunan na manaka-naka ring nangangalaga sa mga lolo at lola.
Ang kailangan na lamang ay sikapin ng administrasyon, lalo na ng mga mambabatas, na patatagin ang mga welfare houses upang makatugon sa pangangailangan ng mga dapat kalingain. Magagawa ang mga ito kung talagang matapat ang kinauukulang pamunuan sa pagdamay sa mga inabandonang senior citizen na halos lahat ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay.
Hindi lingid sa lahat na halos lahat ng matatandang mamamayan ay naging gabay sa pagbubunsod ng patakarang naging bahagi ng pagpapaunlad sa lipunan at sa kabuhayan.
Ang dapat isulong ng mga mambabatas ay isang panukalang batas na magtatakda ng mabigat na parusa sa sinumang magpapabaya at magmamalupit sa nakatatandang miyembro ng kanilang pamilya; at sa pagmamalupit sa iba pang tao. Kung may batas na hinggil dito, dapat na lamang susugan. Kung may batas na child abuse na nagpapataw ng mabigat na parusa sa mga nagmamalupit sa mga bata, dapat ding magkaroon ng senior citizen abuse law na magpapataw ng mabigat na parusa sa kanilang maling nagawa.
Ang pagmamalupit sa mga senior citizen ay isang gawaing walang pangalawa sa kasamaan. (CELO LAGMAY)