NANG manalasa ang kaaalis na bagyong ‘Nona’, nalantad ang talamak na pagtotroso sa kabundukan ng Nueva Ecija; kaakibat ng pagkakalantad ng kabuhungan ng illegal loggers na walang patumangga sa pagkalbo sa kagubatan na naging dahilan ng matinding pagbaha sa Central Luzon.

Hindi lamang ngayon nangyari ang pagdaluhong ng kalamidad sa naturang lalawigan, at maging sa iba pang panig ng bansa. Nang manalanta ang bagyong ‘Lando’, nasaksihan din ang naghambalang na troso na produkto ng kasakiman ng illegal loggers sa kagubatan ng Gabaldon, Nueva Ecija. Naging mistulang karagatan ang mga lalawigan sa Luzon; napinsala ang bilyun-bilyong pisong agricultural crops at ikinamatay ng ilan nating kababayan.

Ganito rin ang nakakikilabot na bagyong pumatay sa libu-libong mamamayan sa Ormoc City maraming taon na ang nakalilipas. Patunay lamang ito na talagang illegal logging ang salarin tuwing tayo ay ginigimbal ng mga bagyo at pagbaha.

Kalunus-lunos din ang pananalanta ng super typhoon ‘Yolanda ‘ nang wasakin nito ang malaking bahagi ng Kabisayaan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mahigit 6,000 ang namatay; ang maraming biktima ng kalamidad ay nagdurusa pa hanggang ngayon sa mga evacuation center. Ang lahat ng ito ay maisisisi sa mga salot ng lipunan na tulad ng illegal loggers.

Kasabay nito, nalantad din ang kawalan ng kakayahan ng administrasyon sa paglipol sa mga mapagsamantala sa kagubatan na tulad nga ng mga ilegal na magtotroso. Bukod pa rito ang illegal miners, kabilang na ang talamak na illegal gambling, na hindi nasasawata. Patuloy silang namamayagpag sa kabila ng ipinangangalandakang mabuting pamamahala laban sa lahat ng uri ng alingasngas.

Ang naturang pagkalbo sa kabundukan, pagkawasak ng mga likas na kayamanan, pati na ang mga bawal na gamot at ilegal na sugal, ay may bendisyon kaya ng kasalukuyang pamunuan?

Kahit kailan, hindi ako makapaniwala na ang nabanggit na mga pagsasamantala ay matutuldukan, lalo na ngayon na napipinto ang eleksiyon. Ang ganitong mga katiwalian ang sinasabing palabigasan ng ilang pulitiko at ng iba pang lingkod ng bayan na nakalugmok sa masasamang gawain.

Kasumpa-sumpa ang mga salot ng kagubatan at ang mga salot sa mapagkunwaring paglilingkod sa bayan. (CELO LAGMAY)