ISANG malaking kawalan ng utang na loob kung hindi ko dadakilain ang aking mga kapatid, ang mag-asawang Juanito at Concordia Lagmay, na kapwa humawi sa landas upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa high school. Dalawang taon akong natigil matapos ang elementarya sa Nueva Ecija dahil sa karalitaan. Mabuti na lamang at hindi ako tinabangan sa pagtuklas ng karunungan; ipinadpad ako ng kapalaran sa aking mga kapatid sa Maynila.

Bagama’t mistulang isang kasambahay, hindi ako nangingiming aminin na ang unang apat na supling ng aking mga kapatid ay inalagaan ko; kasabay ito ng aking pag-aaral sa mataas na paaralan hanggang sa makatapos sa kolehiyo sa Far Eastern University (FEU). Ang iba pang eksena ng aking pakikipagsapalaran ay bahagi na lamang ng kasaysayan sa pagtuklas ng karunungan.

Sa panahon ng aking paglilingkod sa aking mga kapatid, ikinintal nila sa aking isipan ang kahalagahan ng pakikisama at paggalang. Kaakibat ito ng sariling pagsisikap sa kahit munting pagnenegosyo. Isang maliit na sari-sari store lamang ang tumustos sa halos lahat ng aming pangangailangan. Mabuti na lamang at ang isa sa kanila, si Manong Johnny, ay namamasukan sa isang pribadong tanggapan.

Iminulat din nila sa akin ang tunay na kahulugan ng pagtanaw ng “utang na loob”. Hindi sa pamamagitan ng pagkakaloob ng materyal na mga bagay kundi sa pagtanggap ng makabuluhang aral mula sa aming mga magulang. Pambihirang disiplina ang ipinamana sa amin ng aming ama at ina. Ang mga ito ang laging binubuhay sa aking isipan ng aking mga kapatid; disiplina sa sarili at sa paggawa ng mabuti sa kapwa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mga ito, sa kabilang dako, ang aking hinagdan sa pakikipagsapalaran sa iba pang larangan ng pamumuhay.

Ipagpaumanhin po ang aking munting pagyayabang, ang simulain ng aking mga kapatid ang hinagdan ko upang marating ang rurok ng tagumpay – mula sa pagiging isang reporter, editor, National Press Club President at Press Undersecretary ng President Ramos cabinet.

Ang lahat ng ito ay utang ko sa aking mga kapatid, lalung-lalo na kay Manong Johnny. At ngayong siya ay yumao na kamakalawa sa Amerika, nais ko silang dakilain; sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. (CELO LAGMAY)