NAG-UMPISA nang magbangayan ang mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Matapos ungusan ni Mayor Duterte si Sen. Grace Poe sa survey na lumabas kamakailan, hindi na napigil ng senadora na banatan ang alkalde.

“Ang sinumang gobyerno o taong inaabuso ang karapatang pantao,” wika niya, “ay lumalabag sa pandaigdigang karapatang pantao at ito ay walang karapatang mamuno ng bansa”. Nawika ito ng senadora dahil ang pagpatay ang panlunas ng alkalde sa krimeng ikinababahala na ng mamamayan ngayon. Katunayan nga, inamin ni Duterte na nakapatay na siya ng mga taong sa akala niya ay kriminal.

Sa pagpapakita naman ni Mar Roxas na salungat siya sa paraan ni Duterte sa pagsugpo ng krimen, sinabi niya na hindi siya naniniwala na “might is right”. Na ang baril ay kayang lupigin ang lahat. “Hindi ako naniniwala sa summary justice,”sabi niya.

Gumuhit na ng malinaw na linya ang isyung human rights sa pagitan ng mga kandidato. Ang paggalang sa karapatang pantao sa lahat ng oras, o paglabag sa mga ito sa ngalan ng pagsupil sa krimen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nasa panig ako nina Sen. Poe at Mar Roxas. Igalang natin ang karapatang pantao ng mamamayan sa lahat ng oras at anuman ang kahinatnan. Ang gobyerno ay itinatag ng mamamayan para itaguyod, pangalagaan at proteksiyunan ang kanilang kapakanan.

May mga taong naliligaw at gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Pero kapag iginawad ng nagpapatakbo ng gobyerno ang summary justice o extra-judicial killing sa mga taong ito, may pagkakaiba ba ang gobyerno sa kanila? Kahit dumaan na sa proseso ang pagpatay sa mga taong ito, hindi pa rin nababago ang sitwasyon ng gobyerno. Kagaya rin ito ng mga pinatay nito, karumal-dumal din ang krimeng ginawa.

Lagi kong sinasabi na ang karapatang pantao ng mamamayan ay napakanipis na linyang naghihiwalay sa pagitan ng sibilisadong lipunan at gubat. Ito ang namamagitan sa tao at hayop. Alisin mo ang karapatang pantao, ang mananaig ay lakas at karahasan. Sasagasaan na lang ng malalakas ang mahihina. Hindi mo na makikilala ang pagkakaiba ng tao sa hayop. Hayop kang ituturing ng mga malakas.

Ang sitwasyong ganito ay magbubunga lang ng digmaan para pangibabawin ang katarungan. (RIC VALMONTE)