Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang dayuhan na hinihinalang miyembro ng international ATM (automated teller machine) skimming syndicate, sa operasyon sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Supt. Pedro T. Sanchez ang mga suspek na sina Alexandra Gabriel Varga, 24, isang Romanian; at Mila Kamila, 25, Indonesian, na kapwa turista at pansamantalang nakatira sa isang hotel sa Makati City.

Base sa ulat ni Sanchez, unang nag-report sa kanilang himpilan ang management ng Bank of Commerce hinggil sa dalawang dayuhan na naglagay ng skimming device sa ATM booth sa isang sangay ng kanilang bangko noong Disyembre 6.

Agad namang pinakilos ni Sanchez ang mga operatiba ng QCPD Station 10 sa Kamuning subalit nakatalilis ang dalawang dayuhan.

National

4.7-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Makaraang mamukhaan sa CCTV ng monitoring team ng bangko na sina Kamila at Varga rin ang naglagay ng device sa isa pang ATM booth, ikinasa ng Kamuning Police ang entrapment operation laban sa dalawa.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang mga skimming device at mga clone card.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Kamuning Police sina Varga at Kamila makaraang kasuhan ng paglabag sa Access Device Regulation Act of 1998 at Electronic Commerce Act. (Jun Fabon)