Apektado ng fish kill ang mga baybayin sa bayan ng Babatngon, Leyte, iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Nabatid kay Nimfa Machate, municipal agriculturist ng Babatngon, nag-umpisa ang nasabing pangyayari kamakalawa ng gabi sa may Sitio Nabungcagan, Barangay Bacong at Barangay Santa Cruz.
Tinatayang daan-daang isda, alimango, hipon at iba pang yamang dagat ang nakitang patay sa pampang at baybayin.
Pinaghihinalaang nilason ang bahagi ng tubig sa mga nasabing lugar o epekto ito ng red tide dahil sa init ng panahon.
Wala pang kongkretong pahayag ang BFAR kung ano ang naging dahilan ng fish kill.
Iniulat ni Juan Albaladejo, regional director ng BFAR, na patuloy ang pagsisiyasat ng investigating team ng ahensya para matukoy ang dahilan sa pagkamatay ng maraming isda.
Nababahala na ang mga residente dahil halos 60 porsyento sa kanila ay sa dagat ang ikinabubuhay. (Jun Fabon)