ANO na ba ‘tong nangyayari sa ating bayan? Nakakapagod na, nakakainis pa. Ayusin mo ngayon, bukas makalawa, sira nanaman. Para bang sinasadya? Hindi natututo? O baka naman kasabwat? Sabuyan pa ng pagiging hikahos sa mga ga-higante at matatalinong lider. Ang pamumulitika at serbisyo-publiko ay bumagsak sa antas ng mga musmos. Ang mga nangyayari sa ating kapaligiran ay maihahambing sa isang kilalang laro ng mga bata – ang “Tumbang Preso”.
Kung matatandaan, maliit na lata ng gatas ang sentro ng kasiyahan na kailangang pinapatayo ng “taya” tuwing pinapatirapa ng kanyang mga kalaban gamit ang ibinabatong tsinelas. Maaari lang habulin ng “taya” ang mga kalaban kung nakatindig ang lata. Sa ganitong siste ng habulan, tsaka mapapalitan ang “taya” kapag may nahawakan o nahuli siyang kalaban.
Hindi ba’t ganyan nga ang nagaganap sa ating pamahalaan? May iilang matitinong opisyal na ang nais ay itayo ang pamamalakad ng gobyerno, hanapan ng solusyon ang mga problema ng sambayanan, ayusin ang serbisyo ng mga tanggapan at kagawaran, magpanday ng matayog na kinabukasan ng republika, kaya lang tuwing “nakatindig na ang lata”, palaging may nagpapatumba sa magandang naipunpunla. At ayan, balik ulit tayo sa simula’t simula.
O kung ‘di man, mas malala pa ang ating katayuan sa ngayon kumpara noon. Ang sipa-sipain sa kung saan-saang direksyon na walang malinaw na patutunguhan. Yung parehas sa koro ni Anthony Castelo na – “Malayo ang tingin, wala namang tinatanaw”. Nakakapagod na ang estado ng pamamalakad ng gobyerno. Ayusin mo ngayon, at bukas habang mahimbing ang tulog ng mga maka-Bayan, may Pontio Pilato na pinsan ni Barabas na kamag-anak ni Hudas sa bawa’t sulok ng ating pamahalaan na siyang magtatakwil sa ating magagandang hangarin.
Sa paggising natin sa umaga, heto ulit at nakabagsak ang lata. Gumugulong sa putikan. Inaanod-anod sa kanal. Porke may kinang pang natitira, puwede pang patulan? O ikilo sa junk shop, kaya sinakluban pa ng malas, dahil ibang bansa pa ang makikinabang? Banggitin lang ang ilang problema, MRT at LRT, traffic, smuggling, droga, krimen, kuryente, tubig, gasolina, MILF, NPA at ang China, saan ka pa? (ERIK ESPINA)