Hiniling ng itinuturong utak sa pagpatay sa international race car driver na si Enzo Pastor sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa 17-pahinang petisyon, maraming idinahilan ang abogado ni Domingo “Sandy” de Guzman III na si Atty. Dennis Manalo kung bakit dapat aprubahan ng korte ang kanyang hiling na makapagpiyansa.
Iginiit ni Manalo na nararapat lamang ng kilalanin ng korte ang karapatan ng kanyang kliyente na makapagpiyansa bilang patunay na patas at liberal ito sa panisnimbang sa mga ebidensiya habang hindi pa napapatunayang guilty si De Guzman sa kasong murder na kinahaharap nito.
”Such is the importance of this right that a person charged with an offense punishable by reclusion perpetua when the evidence of guilt is not strong is entitled to bail,’’ nakasaad sa aplikasyon ng suspek.
Binigyang-diin din ng abogado na dapat ang prosekusyon ang maglabas ng burden of proof na magpapatibay na malakas ang ebidensiya laban kay De Guzman.
Partikular na tinukoy ni Manalo ang pagbawi ng itinuturong gunman na si PO2 Edgar Angel sa kanyang extra-judicial confession kung saan unang itinuro ng pulis sina De Guzman at Daliah Pastor, asawa ni Enzo, na nasa likod ng pamamaslang sa race driver.
Una ring sinabi ni Angel sa kanyang extra-judicial confession na binayaran siya ni De Guzman ng P100,000 upang iligpit si Pastor noong Hunyo 12, 2014 sa Quezon City. (Chito Chavez)