SA biglang pagsikad ng approval rating ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte, dalawang kredibilidad ang nalagay sa alanganin. Una, ang nag-commission pala sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ay grupo ng mga negosyante sa lungsod. Pangalawa, binayaran kaya ng mga negosyante ang SWS upang ilagay sa unang puwesto si Duterte (38%)? Sina VP Jojo Binay at Sen. Grace Poe ay tig-21% lang samantalang ang “bata” ni PNoy na si Mar Roxas ay malayong pang-apat (15%).
Bukod dito, may naghihinalang minaniobra umano ang katanungan sa SWS survey sapagkat si Duterte lang ang binanggit na pangalan kung gusto nila itong maging pangulo sa 2016 dahil siya ang substitute candidate ng PDP-Laban para kay Martin Diño na ang inihaing CoC sa Comelec ay bilang alkalde ng Pasay City.
Natuklasan na ang nagpa-commission (o nagbayad?) sa SWS survey noong Nobyembre 26-28 sa 1,200 respondents ay ang negosyanteng si William Lima, political supporter umano ng alkalde. Ayon sa report, si Lima ay may supermarket sa Davao City. Siya rin ang lider ng On Any Sunday Riders Club na nagbibiyahe sa maraming panig ng bansa sakay ng mamahaling motorsiklo. Si Mayor Digong ay mahilig din sa motorsiklo.
Tanggapin man natin o hindi, nakuha ni Digong ang imahinasyon at pulso ng taumbayan sa bantang papatayin niya ang mga drug pusher, puputulan ng bayag ang rapist-murderers, ipakakain sa isda ang mga tiwaling pulitiko, at ipalululon ang bala sa “tanim-bala” modus personnel sa NAIA at iba pang paliparan. Maliwanag na repleksiyon ito ng pagiging inutil ng PNoy administration, PNP at AFP na masugpo ang kriminalidad sa ‘Pinas, paglaganap ng drug-pushing, pangingibabaw ng rapists, smugglers at kurapsiyon.
Mismong si Sen. Antonio Trillanes IV ang naniniwalang dinaya ang SWS survey upang paboran sina DuDirty, este Duterte, at Sen. Alan Peter Cayetano upang palabasin na malakas ang TE-TANO tandem sa 2016 polls. Ganito ang paliwanag ni Trillanes: “One, it was conducted before the infamous speech of Mayor Duterte and I believe that that will have an impact.” Abangan natin ang susunod na survey matapos niyang murahin si Pope Francis.
Pinawi ng Malacañang ang pinangangambahang No El (No Elections) ni Mang Andres (Comelec Chairman Andres Bautista), bunsod ng inisyung TRO ng Supreme Court sa “No Bio, No Boto” nito. Hindi ito mangyayari, sabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda dahil desidido na si PNoy na bumaba sa puwesto sa Hunyo 2016 upang maging pribadong mamamayan.
Bulong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Sa wakas ay wala na ang “Tuwid na Daan.” Makapanliligaw na siya at makapag-aasawa.” Sabad naman ni Tata Berto: “Makaya pa kaya ni PNoy?” (BERT DE GUZMAN)