Nananatiling solido ang suporta ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kay Sen.Grace Poe sa kabila ng patung-patong na kasong diskuwalipikasyon na kanyang kinakaharap sa Commission on Elections (Comelec). 

“We in the NPC continue to support Sen. Grace Poe in her quest for the presidency. We believe that the documentary evidence which his battery of lawyers have in their possession will bolster her qualifications as presidential candidate,” ayon kay NPC Congressman Win Gatchalian.

Ang NPC ang ikalawang pinakamalaking partido pulitikal sa bansa base sa bilang ng mga nakaupong kongresista, gobernador, at alkalde ng siyudad at munisipalidad.

Ito ay itinatag ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco noong 1991.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naniniwala si Gatchalian na makukumbinse ang Comelec en banc sa mga dokumentadong ebidensiya na iprinisinta ng mga abogado ni Poe na magiging basehan upang baliktarin ng Second Division ng poll body ang unang desisyon nito na diskuwalipikahin ang senador sa 2016 presidential race.

Si Gatchalian ay tumatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng tiket ni Poe, na ang vice presidential candidate ay Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Nakasaad sa Constitution na ang isang kandidato sa pagkapangulo ay naninirahan sa Pilipinas na hindi bababa sa 10 taon bago ang mismong araw ng halalan.

Habang ang mga senatorial candidate ay nangangailangan ng hindi bababa sa dalawang taon na residency.

Kabilang sa mga iprinisintang ebidensiya ng kampo ni Poe sa kanyang 10-year residency sa Pilipinas ay isang questionnaire mula sa US Embassy, na nilagdaan ng senador noong 2011 matapos niyang talikuran ang kanyang American citizenship.