Nakatakdang isumite ng National Bureau of Investigation (NBI) ang findings nito sa diumano’y “tanim-bala” scam na nambibiktima ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa isang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Justice Undersecretary at spokesman Emmanuel Caparas na sasagutin ng NBI report kung mayroon ngang sindikato ng tanim-bala sa NAIA.

“The report by the NBI task force Talaba will be released on Dec. 9, if not earlier,” kinumpirma niya sa isang text message nitong weekend.

Noong Nobyembre, bumuo ang Department of Justice (DoJ) ng Task Force “Talaba (Tanim Laglag Bala)” upang patunayan ang pagkakaroon ng sindikatong nambibiktima ng mga pasahero sa eroplano, partikular na ang mga overseas Filipino worker (OFW) at kababaihan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inatasan ni DoJ Secretary Alfredo Benjamin Caguioa ang grupo na imbestigahan ang lahat ng insidente ng “alleged laglag-bala scam at the NAIA and to similarly undertake a case build-up on the possible criminal and/or administrative liabilities of all individuals and agencies involved, whether public or private.”

Kabilang sa mga trabaho ng grupo ay sundan ang mga iniulat na biktima ng diumano’y scheme at idokumento ang kanilang mga kaso.

Ang NBI team, pinamumunuan ni NBI-Anti-Organized Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) chief Head Agent Manuel Antonio Eduarte, ay unang binigyan ng hanggang Nobyembre 18 para kumpletuhin ang fact-finding investigation.

Gayunman, nabigo si Eduarte na maabot ang deadline dahil sa diumano’y magkakasalungat na data mula sa mga kinauukulang ahensya, at pagiging abala ng mga kakapanayaming opisyal sa panahon ng Asia Pacific Economic Cooperation summit noong nakaraang buwan.

Kasunod nito ay pinagbigyan ng DoJ ang hiling ng NBI na pagpapalawig ng deadline at binigyan sila ng karagdagang 15 araw para isumite ang kanilang ulat. (Leonard Postrado)