Disyembre 8, 1949 nang ilipat ni noon ay Kuomintang (KMT) leader Chiang Kai-shek ang pangasiwaan ng gobyernong KMT sa Taipei, Taiwan mula sa Nanjing, China, makaraang makubkob ng mga Komunista, sa pangunguna ni Mao Zedong, ang mainland China.
Pinlano ng mga Komunista na salakayin ang Taiwan, ngunit nagpadala ang United States (US) ng karagdagang puwersa upang ipagtanggol ang isla noong 1950. Pinigil ng US Seventh Fleet ang planong pagsalakay ng mga Komunista noong 1950s, sa gitna ng alitan ng Taiwan at mainland China.
Ang ginawa ni Chiang ay nagdulot ng senaryo ng “two Chinas” na nakaapekto sa diplomasya ng Amerika sa sumunod na tatlong dekada, ngunit winakasan nito ang mga pagtatangka ng puwersa ni Mao.
Enero 1950 nang ihayag ni noon ay US President Harry Truman na walang plano ang kanyang bansa na sakupin ang Taiwan o alinmang bahagi ng mainland China, at iginiit ang pagtalima ng mga Amerikano sa Cairo Declaration at sa Potsdam Proclamation.
Marso 1954 nang muling mahalal si Chiang bilang pangulo ng Taiwan, at sa huling bahagi ng taong iyon ay nagkasundo ang KMT at Amerika sa isang mutual defense treaty.