ROME, Italy — Bagamat todo tanggi ang partido ng administrasyon na sangkot ito sa pagdidiskaril sa kandidatura sa pagkapangulo ni Senator Grace Poe-Llamanzares, pinaboran naman ni Pangulong Aquino ang pagdiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) Second Division sa senadora, sa isyu ng residency nito sa bansa.
“Hindi ako SET (Senate Electoral Tribunal), hindi ako Comelec, pareho silang independent bodies. Hindi rin ako Supreme Court, pero parang nakikita ko ‘yung logic ‘nung sinasabi rito,” pahayag ni Aquino sa media bago ang kanyang pagbabalik sa Manila.
“There’s clarity and at the same time it leads to so many more questions. And siguro, in a sense, this particular problem is not up to my decision, up to me to decide on,” dagdag ni PNoy.
Aminado ang Pangulo na nabasa na niya nang tatlong beses ang 35-pahinang desisyon ng Comelec Second Division na nagdiskuwalipika kay Poe habang siya ay nasa Europe, at marami pa aniyang katanungan ang dapat sagutin sa ilang isyu kaugnay sa residency ng senadora.
Kabilang, aniya, ang malimit na paggamit ng mambabatas ng American passport matapos nitong talikuran ang citizenship.
Ipinagtataka rin ni Aquino ang patuloy na paggamit ni Poe ng US passport kahit na naglilingkod na ito, bilang kawani ng gobyerno, sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) noong 2010 hanggang 2013, bago kumandidatong senador sa ilalim ng partido ng administrasyon.
“May actions na already Philippine citizen, may actions na parang American citizen ka pa ‘nung ginamit mo ulit ‘yung passport at ’09 ‘yon—‘yung maraming biyahe,” giit ni Aquino.
Ginamit ding argumento ng Pangulo ang isang dokumento na inilabas ni noo’y Immigration Commissioner Alipio Fernandez Jr., na nakasaad na si Poe ay anak ng Pinoy na mga magulang at inakalang isang natural born Filipino citizen.
Subalit si Poe ay isang “foundling” o napulot na sanggol na hindi natukoy ang pagkakakilanlan ng mga magulang kaya ipinagtataka ni Aquino kung paano napatunayan na ang mga Pinoy ang mga magulang ng senadora. (GENALYN KABILING)