SAM copy

NA-MISS nang husto si Sam Milby ng supporters niya. Hindi nila pinalampas ang The Milby Way, ang 10th year anniversary concert niya.

Nitong nakaraang Sabado lang uli naming nakita na maraming tao sa KIA Theater, ang dating New Frontier Theater sa Araneta Center, Cubao. Matatandaan na ito ang pinagdarausan ng premiere night ng mga pelikula ng mga sikat na artista noong 80s at 90s.

Napa-wow kami sa magandang disenyo ng stage pagpasok namin ng Kia Theater, pawang scaffoldings na elevated at doon nakapuwesto ang banda. Sa unang palapag ang musical director, sa ikalawang palapag ang gitarista/bass na katapat naman sa kanang bahagi ang keyboardist, at sa ikatlong palapag nakapuwesto ang back-up singers sa kaliwa at nasa kanan naman ang drummer.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

 

Parang concert ng foreign artist ang magandang effects ng mga ilaw, hindi nakakasilaw, kaya nang lumabas si Sam ay todo hiyawan ang audience. Katipo ni Sam si Adam Levine ng Maroon 5 na walang tattoo, at nagpakitang gilas agad sa opening song niyang Sexy and I Know It/Sing/Problem kasama ang G Force Dancers. 

Panalo sa audience ang pambubuking ni Bea Alonzo kay Sam sa VTR interview. Sa tagal ng pagkakasama nila sa shows sa ibang bansa, may nadiskubre siyang kakaibang ugali ng binata.

“Si Sam Milby, napakabait na taong nakilala ko sa showbiz at maski na siya ang lalaki sa grupo namin kapag may show kami sa ibang bansa at pinakamatanda, it turned out na siya ang baby boy sa grupo lalo na kapag naglalambing, nakakaloka,” kuwento ng bagong movie queen. “At heto pa, hindi mo iisipin na ang guwapu-guwapo, pero ‘pag umutot, ang baho, grabe.”

Sobrang naloka ng audience.

Natatawa rin si Sam pambubuking ni Bea at nangatwiran na ginagawa lang daw niya iyon sa mga taong komportable na siya.

Kinanta rin ni Sam habang naggigitara ang original songs niyang Mahal Pa Rin at Di Kita Iiwan, Baby One More Time.

Panalo rin ang sexy dance niya kasama G Forces Femmes sa tugtuging Bad Romance. Pinalakpakan siya nang todo dahil unang beses niya itong ginawa.

Si Yeng Constantino ang unang guest ni Sam at nag-duet sila ng Thinking Out Loud/I’m Not The Only One. Hindi nagpatalo ang baby boy ng Cornerstone sa taas ng boses ng Pop Rock Princess.

Napapailing kami sa sobrang galing ni Yeng habang kumakanta ng Crying. Singtaas ng takong niya ang tono ng awitin ng Aerosmith kaya walang humpay na palakpakan ang ibinigay sa kanya lahat sa Kia Theater. Nag-iisa ka talaga, Yeng Constantino!

OPM songs ang next production ni Sam, pero nabitin kami dahil dalawang kanta lang, Huling El Bimbo at Sabihin Mo Na.

Nagustuhan din namin ang You Oughta Know ni Alanis Morisette na kinanta ni Sam at ganoon din ang production number nila ni KZ Tandingan na palakpakan din nang husto. Magaling mag-rap si KZ sa kanilang Come Together ng Beatles at Lose Yourself ni Eminem.

Kilalang jazz/reggae ang binabatanan ni KZ sa X Factor kaya nakakapanibago ang pagiging rakista at rapper niya. Napakalikot niya sa stage, nahihilo akong sundan siya!

Hmmm, statement song daw ni Samuel ang kinanta niyang Here Without You ng Doors Down.

Pinakagusto naming parte ng show ang pag-awit ni Sam -- kasama si Kyla at si Angeline Quinto na bongga ang gown na balitang ginantsilyo pa ng Mama Bob niya -- ng soundtrack ng mga serye at pelikula niya tulad ng And I Love You So (movie with Bea Alonzo), Only You (remake ng koreanovela with Angel Locsin), My Girl (remake ng koreanovela nina Gerald Anderson, Kim Chiu at Enchong Dee), Maging Sino Ka Man (unang serye ni Sam), All My Life (movie with KC Concepcion), You Are The One (movie with Toni Gonzaga), Close To You (movie with Bea and John Lloyd Cruz) at Crazy Little Thing Called Love (with Toni).

Pagkatapos, iniwan niya sa entablado sina Kyla at Angeline na bumirit ng Love Takes Time, Where Do Broken Hearts Go at My Heart Will Go On.      

Napahanga nang husto ni Sam ang audience nang sumirku-sirko at umikut-ikot siya na nakahubad sa scaffolding at kita ang mga pandesal sa abs niya na akala mo naggi-gym habang sinasayawan siya ng G Force

 

Pigil-hininga ang lahat habang nakabaligtad siya at paa lang ang nakakapit sa tubo. ‘Kaloka itong si Sam, ang lakas ng loob ibitin ang sarili nang patiwarik.

Segue siya para ipakita ang talento bilang DJ habang sumasayaw ang mga kaibigang sina Rayver Cruz, Enchong Dee, Gerald Anderson at John Prats kasama ulit ang G Force, at sumali rin siya sa bandang huli.

Ibinuking din ng grupo ang mga kakaiba kay Sam, tulad ng kuwento ni John nu’ng minsang mag-imbita si Isabel Oli, noong hindi pa niya ito girlfriend, sa party na pawang hindi nila kilala ang mga bisita.

“May banda kasi sa party, nakakadalawang kanta pa lang ‘yung banda ‘tapos ni-request si Sam na kumanta, jamming at pinagbigyan naman niya. Nag-start siyang kumanta ng 12 midnight, imagine, 4 AM na kumakanta pa rin? Nag-free concert talaga siya sa mga taong hindi namin kilala sa party,” natatawang pambubuking ni Pratty.

Pero malaki ang pasasalamat ni John kay Sam na malaki pala ang partisipasyon kaya sila nagkatuluyan ni Isabel.

“Si Sam,” kuwento naman ni Rayver, “sobrang bait n’yan at walang alam sa mga nangyayari dahil nu’ng nasa San Francisco (USA) kami, nagkaproblema ‘yung brake ng sasakyan namin at pababa ‘yung kalsada, so lahat kami nagsisigawan na kasi baka mabangga kami, eh, hindi pa kami nagso-show, so talagang hindi namin alam ang gagawin.

 

“’Buti si Gerald, may ginawa kaya napahinto niya ‘yung sasakyan. Si Sam, walang alam kasi busy sa apps na dina-download niya or something, basta nagkakalikot siya sa cellphone niya. ‘Tapos nu’ng huminto na, saka lang niya tinanong kung ano’ng nangyari. Imagine, kamuntikan na kaming mamatay hindi pa niya alam!”

 

Bilib naman kami kay Piolo Pascual na hindi yata alam ang salitang pagod, dahil kahit kagagaling lang ng iEmmy Awards sa Amerika ay diretso agad sa SunPiology Marathon at diretso ulit sa show ni Sam.

 

Sinabihan na raw si Piolo ng producer cum manager ni Sam na si Erickson Raymundo na okay lang kahit hindi na siya tumuloy, pero ayaw niyang ma-miss ang 10th year anniversary concert ng kaibigan niya.

 

Palakasan ng hiyaw ang mga nanonood sa production number nina Sam at Piolo na It’s My Life.

 

Nagustuhan din namin ang pagtugtog ni Sam ng ukelele sa awiting Somewhere Over The Rainbow at What A Wonderful World.

 

Pinasalamatan naman ni Sam ang lahat ng taong naging parte ng sampung taon niya sa showbiz, lalo na si Direk Laurenti Dyogi na head ng Pinoy Big Brother Season 1 dahil simula raw noon ay nag-iba na ang takbo ng buhay niya; ang manager niya na naging personal assistant, stylist, driver at nakadiskubre sa kanya, si Erickson at ang staff nito. Ipinagmamalaki ni Sam na siya ang kauna-unahang talent ng Cornerstone Talent Management na ngayon ay mahigit 40 artists na ang inaalagaan; Star Music; Star Creatives, at Star Cinema.

 

Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal na binigyan siya ng pagkakataong makatrabaho si Judy Ann Santos sa seryeng Huwag Ka Lang Mawawala noong 2013. At ngayong 2015, sabay naman niyang ginagawa ang umeere nang Doble Kara kasama si Julia Montes at ang Written In Our Stars na ipalalabas sa 2016 with Jolina Magdangal, Toni at Piolo.

  

Naging emosyonal si Sam nang pasalamatan niya ang pamilya niya lalo na ang daddy niya na 81 years old na at first time siyang napanood, na sinabihan niya ng, “I hope I can make you proud.”

 

Pasado alas onse na ng gabi natapos ang show pero ayaw pang tumayo ng mga tao. Nagkatanungan kung lalabas uli ng entablado si Sam, pero nang makitang nagliligpit na ang banda ay saka lang nag-alisan, pero nagpuntahan naman sa backstage para magpa-picture.

 

Malaki na ang nabago kay Sam dahil mas relaxed na siya ngayon at multi-talented talaga siya sa rami ng alam niyang gawin para sa kanyang musika. 

 

Congratulations sa Cornerstone Concert dahil maganda at matagumpay ang The Milby Way concert. (Reggee Bonoan)