Bea at John Lloyd copy

TIYAK na maaga ang Pasko sa Star Cinema o sa ABS-CBN sa kabuuan.

Monster hit ang latest movie nilang A Second Chance, sequel ng One More Chance na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.

Kumita ito ng P43.3M sa opening day nitong nakaraang Miyerkules.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Sa sobrang laki ng first day gross na ito, mukhang magkakatotoo ang prediksiyon ng inyong abang lingkod last week na tatagilid sa A Second Chance ang record na P573M na kinita ng Starting Over Again nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga.

Kumita sa opening day ng P25M ang Starting Over Again.

Naging cult classic ang One More Chance nang ipalabas eight years ago. Hindi tumigil sa kare-request ng sequel ang cult following nito, ngayong lang napagbigyan, at pinatunayan naman nila na panonoorin talaga nila ito.

Nagsimulang ipalabas sa 215 sinehan ang A Second Chance, at agad naglabasan sa social media ang mahahabang pila sa takilya. Tulad ng Heneral Luna, hindi na basta-basta “word of mouth” ang nagsisindi ng box office hit ngayon, viral posts na sa social media.

Sa rami ng mga pumila, agad nagdagdagan ng 35 butas (kolokyal na tawag ng checkers sa mga sinehan) kinahapunan. Alas singko ng hapon, kumita na ng P18M ang pelikula. Ang latest update bago kami natulog kinagabihan ay P35M na ang tinatabo ng A Second Chance.

Paggising kinaumagahan (kahapon), nag-check kami sa ABS-CBN news website, hindi nabago ang figures pero mas updated siyempre sa social media accounts ng Star Cinema insider na si Mico del Rosario – P43.3M!

Tinanong namin si Mico kung bakit magkaiba ang figures:

“Due to the deluge of audience in the evening, more midnight screenings were opened by the cinemas -- bringing the gross of A SECOND CHANCE to a phenomenal level, THE HIGHEST NON-MMFF 1st DAY OPENING FOR A FILIPINO MOVIE,” sagot niya.

Dinumog ng kulto nina Popoy at Basha ang mga sinehan kinagabihan, pero dahil sold-out na ang last full show, may mga nakiusap na pagbigyan na sila para hindi na sumabak uli sa puyat at trapik kinabukasan.

Nagbigay ng extra midnight showings ang mga sinehan. Naitala ang huling update sa kabuuang kinita sa first day ng pelikula, pasado ala-una ng madaling araw!

Kahapon, nagsimula namang ipalabas sa 280 sinehan ang A Second Chance pero agad na namang nadagdagan ng 20 butas pagkaraan ng ilang oras.

Samantala, naririto ang reaksiyon ng ilang celebrity na nakapanood na ng A Second Chance:

“Sobrang ganda lahat ng lines at shots. Dapat talagang panoorin kasi napakaganda talaga. Andaming hugot.” --Daniel Padilla

“Congratulations sa kanila. ‘Di kami nabigo, sobrang realistic niya. Ang ganda! –Kathryn Bernardo.

“Best love team talaga. Iba ang ‘binibigay nina John Lloyd at Bea. Sobrang kumpleto ng ingredients ng love. Akala natin sa One More Chance ‘tinodo na nila pero hindi, dito sa A Second Chance, grabe! Kung may best pa sa best, sila na talaga.” –Maja Salvador

Kasama si Maja sa cast ng One More Chance, gumanap bilang girlfriend ni Popoy. (DINDO M. BALARES)