Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na naging mapayapa ang naging paggunita ng bansa sa nagdaang Semana Santa.
Sa press briefing ni PNP Chief Joe Melencio Nartatez Jr., nitong Lunes, Abril 6, 2026, iginit niyang wala raw silang naitalang major incidents sa kasagsagan ng Holy Week.
“Overall, Holy Week was generally peaceful across the country with no major incidents reported," anang PNP Chief.
Tinatayang umabot sa 98,000 ang nai-deploy na hanay ng kapulisan noong Semana Santa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Matatandaang isang insidente naman ng pamamaril ang naiulat noong Biyernes Santo, Abril 3, kung saan kinasangkutan ito ng dalawang miyembro ng kapulisan at isang personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Puerto Princesa City, Palawan.
Bilang tugon sa naturang insidente, kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang apat na opisyal na sinasabing pasimuno sa naturang krimen.
Samantala, tiniyak naman ng PNP na magpapatuloy pa rin ang pagpapatrol ng kanilang hanay sa pagpasok naman ng summer 2026.
"As the Holy Week ends, the summer season begins and many more of our kababayans will be travelling. That's why our security operations continue," saad ni Nartatez.
Patuloy din daw ang pagpapaigting nila sa kanilang presensya sa iba’t ibang lugar sa bansa, na posibleng dagsain ng mga bakasyonista.
“We will keep maximum police visibility. Continue our regular patrols and ensure a strong presence in key areas such as tourist destinations, major roads, public spaces in partnership with local government units,” giit niya.