KUNG meron mang dapat hangaan sa mga Bataenyo ay ang pagkakaisa nito at pagkakasundu-sundo. Anu mang kilusan lalo’t kung sa ikabubuti ng probinsiya ay nagtutulungan sila. Handang magdamayan at magpakapagod alang-alang sa ikagaganda at ikalilinis ng naturang probinsiya.
Kamakailan lamang, ang mga Bataenyo, sa pangunguna ni Gov. Albert Garcia, ay nagsama-sama ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan at pribadong sector upang magboluntaryo sa paglilinis ng coastline ng lalawigan sa pamamagitan ng pangongolekta ng tone-toneladang basura sa baybayin ng Bataan.
Kani-kaniyang dala ng mga kalaykay, asarol, hose at mismong mga kamay nila ang ginamit para linisin ang coastal area ng 10 bayan at isang lungsod ng probinsiya.
Sa pangunguna ni Gov. Garcia, ang tema nito ay “Do Your Share to Fight for a Healthy Ocean”.
Kabilang sa mga nakolekta ay mga plastic, water lily, kahoy, lata, sanga ng puno, lumang damit, sako at maging mga lambat.
“Galing sa dagat ang mga basura na kapag lumakas ang alon ay dinadala sa baybayin sa Bataan” ayon sa 81 anyos na lalaki na residente ng tabing dagat sa Limay Bataan. “Galing ang mga basurang iyan sa Metro Manila na itinatapon ng mga residente roon at sa mga ilog at kanal na tinatangay naman ng agos sa Manila Bay”.
Nakalulungkot na kawalan ng disiplina ng marami nating kababayan ay nagiging problema naman ng iba.
Ngunit ang mamamayan ng Bataan, sa pangunguna ng masipag na Gobernador, ay hindi nagsasawang maglinis sa tulong ng mga empleyado at iba pang mamamayan sa tabing-dagat para maging maganda sa paningin ang kalikasan na kaloob ng Diyos.
BIRONG PINOY
BOY: Daddy, senador ka po ‘di ba?
SENADOR: Oo anak, bakit?
BOY: Ano po ba ang ibig sabihin ng PDAP?
SENADOR: PDAP? Aba, eh di itong mansiyon natin, ang farm at rest house natin sa Batangas, ang bakasyunan natin sa Baguio at iyong pamamasyal natin sa London, Paris, Madrid at iba pang bansa, ‘yon, anak ang PDAP!
BOY: Eh, ano naman po ang DAP?
SENADOR: Ang milyun-milyon nating pera sa bangko at kaha de yero, iyon naman ang DAP!
BOY: Ang PDAP, DAP at HOLDAP ba daddy ay pare-pareho? (ROD SALANDANAN)