Nakabawi mula sa kanyang pangangapa sa kanyang opensa si Aljun Melecio ngunit nakuha pa rin ng De La Salle-Zobel ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos pataubin ang UP Integrated School, 72-61, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.
Pinadapa naman ng dating kampeong National University (NU) ang University of Santo Tomas (UST), 80-54, upang pumantay sa DLSZ sa liderato sa barahang 2-0, panalo-talo, sa pangunguna ni Winderlich Coyoca, Karl Penano at John Lloyd Clemente na nagtala ng pinagsamang 44-puntos.
Nakabawi naman sa kanilang naunang kabiguan sa kamay ng La Salle ang defending champion Ateneo sa pamumuno ni Jolo Go na nagtala ng 34- puntos para kanilang magapi ang Far Eastern University (FEU), 85-66, habang umangat din gaya nila sa patas na barahang 1-1, panalo-talo, ang Adamson kasunod ng Adamson University, 83-52, paglampaso sa University of the East (UE).
Kasunod ng kanyang 46 na puntos kontra Blue Eaglets, umiskor lamang ng 26-puntos si Melecio sa kanilang ikalawang laro ngunit nakapag-ambag naman ito sa iba pang departamento matapos magposte ng 7 assist, 6 na rebound at 5 steal.
Nakatulong naman ni Go para sa Ateneo sina Bryan Andrade at Romulo Berjay na nagtala ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor naman ng 17-puntos at 8 rebound si Kenji Roman habang nagdagdag sina James Bieren at JJ Sapinit ng tig-13 puntos para sa Baby Tamaraws, na ngayo’y nasa 4-way tie sa ikalawang posisyon katabla ng Tiger Cubs, Eaglets at Baby Falcons. (MARIVIC AWITAN)