Isang ama ang pinatay sa saksak ng sarili niyang anak dahil sa pag-awat ng una sa pakikipagbangayan ng suspek sa live-in partner nito sa Pandacan, Manila nitong Biyernes ng hapon.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Carlito dela Ysla, 55, driver, ng 1884-A President Quirino Avenue, Pandacan, Manila.

Ayon sa pulisya, agad na binawian ng buhay ang biktima sa ospital dahil sa tinamong dalawang saksak sa dibdib at braso, at hiwa sa ulo.

Tinutugis naman ng awtoridad ang kanyang anak na si Charvie dela Ysla, 30 anyos.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District-Homicide Section, na dakong 4:45 ng hapon nang mangyari ang krimen sa tahanan ng mga Dela Ysla.

Bago ang krimen, narinig umano ni Carlito na nag-aaway ang anak at ang ka-live in nitong si Laarni Canares sa ikatlong palapag ng bahay.

Dahil dito, umakyat ang biktima at tinangkang awatin ang dalawa, pero hindi umano nagustuhan ng suspek ang pakikialam ng ama.

Pinagbalingan ng suspek ng init ng ulo ang ama at tinarakan ito ng mga saksak bago tumakas.

Kasong parricide ang kahaharapin ng suspek. (Mary Ann Santiago)