NAPAGPASIYAHAN na ang kasong idinulog ng Ombudsman laban sa Court of Appeals (CA) ukol sa suspension ni dating Makati City Mayor Jun-jun Binay. Kaya nagtungo ang Ombudsman sa Supreme Court ay dahil nag-isyu ang CA ng temporary restraining order (TRO) na pipigil sa Ombudsman na pairalin ang kautusan na nagsususpinde sa dating alkalde ng anim na buwan. Ayon sa Ombudsman, hindi dapat nakialam ang CA dahil preventive suspension pa lang ito.

Ang layunin lamang nito, aniya, ay pansamantalang alisin sa puwesto ang dating alkalde upang hindi maimpluwensiyahan ang resulta ng kanyang imbestigasyon laban dito. Iniimbestigahan kasi ng Ombudsman ang dating alkalde ukol sa maanomalyang pagpapagawa ng Makati City Hall Building II.

Umikot ang depensa ng dating alkalde laban sa order ng Ombudsman na nagsususpinde sa kanya sa isyu ng condonation.

Hindi raw siya dapat pinapanagot ng Ombudsman dahil ang kasong iniimbestigahan nito ay nangyari pa noong una pa niyang termino. Ginamit ng dating alkalde ang desisyon ng SC sa mga naunang kasong katulad kay Gobernador Aguinaldo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa mga kasong ito hindi na pinapanagot ang mga opisyal na nasampahan ng mga kasong administratibo kapag sila ay nahalal muli. Nang muli silang inihalal, pinapatawad na sila ng taumbayan at kinakalimutan na nila ang mga nagawa nilang pagkakamali.

Sa kalalabas na kaso ng Ombudsman laban sa CA, binawi o binalewala na ng SC ang condonation. Kahit mahalal muli ang isang opisyal mananagot na siya sa kasong administratibo kaugnay ng anomalya o katiwaliang ibinibintang sa kanya na ginawa niya bago siya mahalal muli. Ito ay natutugma sa realidad ng ating pulitika at halalan. Hindi na ngayon nangangahulugan na kapag nagwagi ang isang opisyal ay nahalal siya sa patas at malinis na halalan. Sana sa halalang ito ay mangibabaw ang kagustuhan ng mamamayan.

Pagkatapos ng eleksyon, nahahati sa dalawa ang resulta: nanalo at nadaya. Walang natatalo. Kaya hindi masasabi na kaya na mahalal muli ang isang opisyal ay dahil gusto siya ng mamamayan at pinagbigyan na siya sa mga pagkakasalang nagawa. Masakit na biro sa taumbayan kung paiiralin pa ang condonation. Niloko mo na nga, iniinsulto mo pa sila. (RIC VALMONTE)