San Jose, Antique – Tatlo pang gintong medalya ang idinagdag ni Michael Ichiro Kong sa kanyang koleksiyon kahapon upang kumpletuhin ang pagtatala ng perpektong 11-of-11 na pagwawagi sa lahat ng kanyang events sa swimming competition ng 2015 Philippine National Games (PNG) Visayas Qualifying Leg sa Evelio B. Javier Sports Complex dito sa lalawigan.

“Sobrang nakaka-stress po pala talaga sumali sa lahat ng event,” sabi ng 17-anyos na accelerated first year college at nasa unang taon ng kursong Information Technology sa University of Cebu na si Kong.“Medyo malayo po ang mga time ko pero pag-eensayuhan ko po ang national finals dahil makakalaban doon ang mga national team.”

Idinagdag ni Kong sa kanyang naunang napanalunan ang gintong medalya sa 100m fly (1:04.95s), 200m individual medley (2:43.80s) at ang 50m free (27.29s) para maging natatanging atleta na nakapagwagi ng pinakamaraming medalya sa qualifying leg ng PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Commmittee.

Pinangunahan ni Kong ang pagkopo ng Cebu City ng kabuuang 28 ginto sa swimming.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Sumunod sa kanila ang host Antique na nakapag-uwi ng limang gintong medalya at apat naman sa kalapit nitong lungsod ng Maasin City.

Samantala, sa pagsisimula ng centerpiece event athletics,tinanghal na double gold medalist sina Francis Medina ng Leyte at host-bet na si Mike John Faulan.

Nanguna si Medina sa men’s 110m hurdles (14.2s) at 400m (49.7s) habang nagwagi naman si Faulan sa men’s 800m (2:04.8s) at 400m (51.8s).

Tinanghal namang “fastest boy and girl” ng meet matapos manguna sa century dash sina Benjamin Reynes ng Cebu (11.1 segundo) at Rosemarie Olorvida(12.7 segundo) ng Leyte Sports Academy.

Nagwagi naman sa men’s elite division si dating national junior record holder Daniel Noval ng Cebu matapos maorasan ng 10.7 segundo.

Ang iba pang nagwagi sa athletics ay si Prince Joey Lee ng Cebu sa 5,000m boys (16:21.00s), John Daryl Manos ng Cebu sa 3,000m steeplechase (10:18.6s), Riza Bausin sa girls 800m (2:27.50s), Jessa Mae Jarder ng Victorias City sa girls 400m (59.6s) at Ezel Divinagracia ng Iloilo City sa girls 100m hurdles (15.6s).

Samantala, tatlong gintong medalya ang hinablot ni Benjie Payay mula sa Hungduan, Ifugao matapos nito buhatin ang 90kg sa snatch at 122kg. sa clean and jerk sa 60kg division para sa kabuuang 212 para tanghaling kampeon sa Youth, Collegiate at Open category ng weightlifting events.

Ikalawang pagkakataon lamang ni Payay, 1st year Agricultural student sa Ifugao State University, na sumali sa PNG matapos pumanglima noong nakaraang taon sa Marikina Riverbanks.

“Nakikiusap po kami na sana ay mabigyan kami ng puwesto para makapagsanay kasi pinapaalis na kami doon sa aming lugar dahil irerenovate na daw po para po tuloy-tuloy kami sa training namin,” sabi nito.

Nakatatlong ginto rin si Pilar Elopre ng Mampang, Zamboanga City sa women’s 53kg. sa pagbuhat ng 52kg sa snatch at 63kg sa clean and jerk para sa kabuuang 115kg para manguna sa Open, Collegiate at Youth. (ANGIE OREDO)