Kasado na ang kilos-protesta ng mga driver at maliliit na jeepney operator bukas, Nobyembre 10, sa National Capital Region (NCR) at sa mga lalawigan, upang tutulan ang sapilitang jeepney phase out sa Metro Manila na ipatutupad ng Department of Transportation and Communication (DoTC).
Pasado 8:00 ng umaga bukas sisimulan ang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa may Elliptical Circle bago tutulak ang caravan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) patungong DoTC sa Mandaluyong City.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, epektibo sa Enero 1, 2016 ay ipatutupad ng DoTC ang jeepney phase out sa buong Metro Manila.
Sa ilalim ng patakarang ito, sapilitan umanong ipe-phase out ng DoTC ang mga jeepney para palitan ng mga mamahaling electronic jeepney at Euro 4 fuel compliant jeepneys na gawa at pagkakakitaan nang malaki ng mga higanteng dayuhang korporasyon.
Batid ng gobyerno na hindi makakayang bilhin ng maliliit na jeepney operator ang mga nasabing makabagong jeep, bukod pa sa nagre-require pa umano ang DoTC na dapat ay mayroong fleet management program.
“Posibleng magresulta ito sa pagkawasak ng kabuhayan ng halos 99% ng maliliit na jeepney operators at drivers sa buong bansa,” ayon sa PISTON.
Ipananawagan din sa kilos-protesta ang pag-aalis sa labis-labis na multa at parusa sa mga driver, operator at motorist, sa ilalim ng Joint Admin Order (JAO) #2014-01 ng DoTC, Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). (Jun Fabon)