Uuwing bigo sa asam na silya sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games ang delegasyon ng Philippine Archery na sumabak sa recurve at compound event sa dalawang torneo na Continental Championships at Asian Archery Championships sa Bangkok, Thailand.

Huling nakalasap ng kabiguan ang Philippine men’ s compound team nina Paul dela Cruz, Jeff at Dean Adriano at Joseph Vicencio na natapos na ikaapat mula sa kabuuang 13 kasaling koponan.

Nabigo ang mga Pinoy archer na masungkit ang tansong medalya matapos matalo sa 2nd seed na Iran na nasa pamumuno ng dating World champion at Incheon Asian Games gold medalist Ismaeil Ebadi sa iskor na 229-233.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Unang tinalo ng Pilipinas ang Bangladesh, 217-213 sa 1/8 round bago itinala ang upset sa 4th seed Chinese Taipeh, 230-223 sa quarterfinals bago na lamang natalo sa top seed na South Korea sa semis sa iskor na 231-235.

Kabiguan din ang nalasap nina Gabriel Moreno at Rachelle Dela Cruz na matapos makakuha ng bye at talunin ang kalaban sa Round of 24 sa men at women’s Individual competition ay kapwa nabigo sa kanilang mas matataas na seeded na kalaban sa Round of 16.

Ang 17th seed na si Moreno ay nagwagi sa 6-4 iskor kontra 64th ranked Alam Muhamad ng Bangladesh bago sinagupa ang 16th seed na si Sultan Dulzelbayev ng Kazakhstan sa regulation 3 arrows of 5 ends sa pantay na iksor na 5-5. Gayunman, nabigo ito sa one-arrow shoot off, 8-10.

Ang 26th ranked na si Dela Cruz ay nagwagi sa 6-2 iskor kontra 39th seed Shaboxhanina ng Kazakhstan bago nabigo sa 7th seed na si XU Jing ng China, 3-6.

Nabigo muli sina Moreno at Dela Cruz kontra kina Dulzelbayev at Saidbayeba ng Kazakhstan sa loob ng tatlong set sa unang round pa lamang ng Mixed Team event.

Ang iba pang lahok sa recurve na sina Atanacio Pellicer, Mary Queen Ybanez, Kareel Hongitan at Florante Matan ay nabigo agad sa kanilang unang laban pa lamang. (ANGIE OREDO)