Apat na hinihinalang kilabot na carnapper, kabilang ang isang mag-live-in partner, ang inaresto ng mga operatiba ng Oplan: Lambat Sibat sa isinagawang anti-criminality operation sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District Director Chief Supt. Edgardo G. Tinio ang dalawa sa mga naaresto na si Hazel Cotaco, 30; at kinakasamang si Marvin John Jaravata, 34, kapwa ng Barangay Sta. Cruz, Quezon City. Ang dalawa ay itinuturong mga miyembro ng Peter Lim carnapping group.
Sa report ni Supt. Jay Agcaoili, dakong 7:00 ng gabi nitong Biyernes nang maaresto si Cotaco, sa Legaspi Village, Makati City sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Muntinlupa Regional Trial Court kaugnay ng kasong carnapping na isinampa ni Edward Ferrer noong Oktubre 6, 2015.
Nabatid na tinangay ni Cotaco ang Hyundai Tucson (NZQ-626) ng anak ni Ferrer.
Ang modus ng grupo ni Cotaco ay makikipagkaibigan sa mga bigating tao na kanilang nakikilala sa malalaking pagtitipon.
Nabawi sa kanila ng pulisya ang isang Toyota Vios (XMV-819), isang Honda XR 200 motorcycle (UB-7936) at isang Yamaha motorcycle.
Kaugnay nito, natiklo rin kamakalawa ng hapon ang dalawa pang pinaghihinalaang carnapper na tumangay sa isang Toyota Vios (AAY-3713) na pag-aari ni Diego Macaraeg ng Barangay Silangan, Quezon City.
Ang mga nadakip ay sina Elmer Buenaventura, 39; at Nemesio Apolonio, 21 anyos. (Jun Fabon)