Umapela ang pangasiwaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mga kawani nito na manatiling kalmado at nakatutok sa trabaho sa gitna ng lumalalang kontrobersiya sa “tanim-bala” scheme.

Sinabi ni NAIA General Manager Jose Angel Honrado na nakikiisa ang airport management sa mga empleyado sa matinding pagsubok na hinaharap ngayon ng tanggapan.

Sa isang open letter na ipinamahagi kahapon sa iba’t ibang departamento ng NAIA, aminado si Honrado na mababa ang moral ng mga empleyado ng paliparan bunsod ng usapin sa tanim-bala.

“We are handling complaints and allegations that airport personnel are behind the alleged scheme of planting bullets into baggage of unsuspecting passengers,” ayon kay Honrado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ikinalungkot ni Honrado na dahil sa tanim-bala, inuulan ngayon ng pang-iinsulto at batikos ang mga empleyado ng NAIA, subalit umapela siya ng pang-unawa at pananatiling kalmado.

Aniya, ang pangunahing misyon ng NAIA management ay tiyakin ang seguridad ng mga pasahero at panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa mga paliparan sa bansa.

Kasabay nito, nanawagan ang airport manager sa mga empleyado na manatiling alerto laban sa lahat ng maanomalyang transaksiyon upang mapangalagaan ang integridad ng paliparan. (ARIEL FERNANDEZ)