Pinaalalahanan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos ang publiko, partikular ang mga motorista, tungkol sa inaasahang matinding trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila sa mga araw ng aktibidad ng APEC Summit meeting sa bansa sa Nobyembre 17-20.
Ayon kay Carlos, bagamat deklaradong holiday ang mga nasabing petsa, may pasok ang mga nasa pribadong sektor kaya apektado pa rin ang mga ito sa masikip na trapiko, habang ilang kalsada sa Metro Manila ang isasara sa motorista, tulad ng EDSA at Roxas Boulevard.
Bukod dito, sarado rin ang dalawang inner lane ng EDSA, southern part mula sa bahagi ng Shaw Boulevard hanggang SM MOA sa Pasay, at magkabilang direksiyon ng Roxas Boulevard mula Manila Hotel hanggang NAIA Road, sa Nobyembre 16-20.
Pinayuhan ni Carlos ang publiko na huwag munang lumabas ng bahay kung wala namang mahalagang lakad sa nasabing petsa upang hindi na makadagdag sa trapiko sa araw ng APEC Summit meeting. (Bella Gamotea)