DAHIL sa kaliwa’t kanang kapalpakan ng ilang namumuno sa administrasyon ni Presidente Aquino, kaliwa’t kanan din ang mga panawagan upang sila ay magbitiw sa kanilang tungkulin. Hindi lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) talamak ang palpak na pamamahala kundi maging sa iba pang sektor ng pamahalaan, tulad ng transport industry.

Sino ang hindi madidismaya sa kagimbal-gimbal na tanim-bala syndicate? Sinasabi na ito ay kinasasangkutan ng ilang tauhan ng airport security na dapat ay nangangalaga sana sa kaligtasan ng mga pasahero lalo partikular na sa OFWs na itinuturing nating mga buhay na bayani ng ating lipunan. Isipin na sila ang bumubuhay sa ating ekonomiya dahil sa kanilang bilyun-bilyong remittances. Masisisi ba natin sila kung sila ay tumigil sa pagpapadala ng dolyar sa kani-kanilang mga mahal sa buhay sapagkat ang ilan sa kanila ay nagiging biktima ng tanim-bala?

Pati ang programa sa turismo ay maaaring malumpo dahil sa pagmamalabis sa NAIA. Kabilang na rito ang mga negosyante na sana ay mamumuhunan sa ating bansa kung hindi nagaganap ang mga katiwalian. Hindi ba ito isang malaking kawalan sa pagsusulong ng mga pangkabuhayan?

Maliwanag na ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit gayon na lamang ang matinding panawagan na magbitiw si Gen. Jose Angel Honrado bilang General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA). Subalit ngayon pa lamang ay marami na ang nagpapahiwatig na ito ay halos imposibleng mangyari kung walang bendisyon ni Pangulong Aquino.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ganito rin ang nangyayari sa iba pang opisyal ng gobyerno, tulad nina Department of Budget and Management (DBM) secretary Butch Abad at Department of Transportation and Communications (DOTC) secretary Jun Abaya. Bunsod umano ito ng mga kapalpakan sa kanilang pamamahala. Wala na yatang makatutulad sa ginawang irrevocable resignation ni Director Nonato Cesar Rojas ng NBI – hindi urong-sulong o pakunwaring pagbibitiw.

Totoo na bihirang lingkod ng bayan ang may delicadeza; pilit na nangungunyapit sa kanilang puwesto kahit na sila ay isinusuka na ng mamamayang nagpapasahod sa kanila. (CELO LAGMAY)