TARLAC CITY - Nagbabala si Tollways Management Corporation (TMC) Specialist Francisco Dagohoy sa mga motorista sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na sundin ang itinakdang speed limit dahil maghihigpit na sila sa paghuli sa mga nag-o-overspeeding.

Aniya, nakasaad sa huling Joint Administrative Order ng Department of Transportation and Communication (DoTC) na may P2,000 multa para sa unang paglabag at kung mahuling muli sa kaparehong paglabag ay pagmumultahin ng P3,000, bukod pa sa sususpendihin ang driver’s license sa loob ng tatlong buwan.

Kung mahuli naman sa ikatlong pagkakataon, kalahating taon na hindi makapagmamaneho ang motorista.

Binanggit pa ni Dagohoy na kapag humigit pa sa tatlo ang magiging paglabag, ang isang non-professional driver’s license ay pawawalang-bisa ng dalawang taon, habang kung professional driver’s license naman ang gamit ng paulit-ulit na lumalabag ay tuluyan na itong pawawalang-bisa.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Napag-alaman na 100 kilometers per hour (kph) ang pinakamabilis na pinahihintulutan sa maliliit na sasakyan, habang 80 kph naman para sa mga truck at bus sa NLEX at SCTEX. (Leandro Alborote)