Sa regular TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” kahapon, sinabi ni Duterte na wala siyang ambisyong maging pangulo, ngunit kung sakaling maging presidente siya, ipapakain niya ang mga bala sa mismong may pakana ng scam.
“Wala akong ambisyong maging presidente, pero kung magiging presidente ako, ipapalunok ko sa‘yo ‘yang mga balang ‘yan. Wala akong pakialam kung mamatay ka. Kung magbara ‘yan sa t**bong mo, ipaooera kita para lumaki ‘yan,” sabi ni Duterte.
Sinabi ni Duterte na naniniwala siyang isang sindikato ang nasa likod ng “tanim bala” na sunud-sunod na naiuulat sa mga paliparan.
“Duda ako rito, eh. Nangyayari na ito sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong taon. Marami ang nahuli, pero naaareglo agad. ‘Di na ako naniniwala rito.”
Ang sindikato, dagdag pa niya, ay nagsimula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Maynila, partikular sa cargo hold, na tanging mga empleyado ng mga airline company ang pinahihintulutan.
Ang mga empleyado ng NAIA at ng mga airline company ay “nakikipagsabwatan sa pulisya”, ayon sa alkalde.
Nagbabala rin si Duterte sa mga pulis: “I just hope nga wala moy apil diha (‘di kayo kasabwat dito). Kilala ako sa pagpoprotekta sa mga pulis na naaasunto habang gumaganap sa kanilang tungkulin. Ibinibigay ko ang mga pangangailangan nila, hindi lang ng mga pulis sa Davao, kundi maging sa nasa Manila.
“You just pray nga dili na tinuod (sana hindi totoo). ‘Di kapani-paniwala. Mga inosenteng tao ang nakukumpiskahan ng mga bala ng .22 o .9mm? Ni wala nga silang mga baril. Bumibiyahe lang siya pauwi galing sa abroad, o para magbakasyon o dumalo sa meetings. Tigilan n’yo na ‘yan, pero ang alam ko, nag-iimbestiga na ang PNP tungkol dito.”
Babala pa ni Duterte sa mga sindikatong nasa likod ng “tanim bala”: “Kung dinhi na sa Davao patyon ta gyud mo. Kung ma presidente ko hurot mong tanan (Kung nangyari ‘yan sa Davao, papatayin ko kayo. Kung magiging presidente ako, tapos na kayo). Ipapapatay ko kayo sa loob ng 24-oras.” - Alexander D. Lopez