Mas matinding hamon ang inaasahan ng Instituto Estetico Manila matapos ang kanilang naging paghahari sa Shakey’s V-League men’s inaugural tournament noong nakaraang taon sa pagbubukas ng unang Spikers’ Turf sa Abril 5 sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Ginapi ng Volley Masters ang Systema Active Smashers sa decider sa isang sudden death match upang tanghaling kampeon sa nakaraang taong four-team Shakey’s men’s field.

Ngunit inaasahang dadaan sila ngayon sa butas ng karayom para maduplika ang naitalang kampeonato sa muling pagsalang sa liga na inihahatid ng PLDT Home Ultera kung saan ay may pitong koponan na ang kalahok.

Isa pang magpapahirap sa Volley Masters para sa kanilang kampanya ay ang paglipat ng mga manlalarong sina Renz Ordonez, Rudy Gatdula at Eden Canlas sa kanilang mother team na Cagayan Valley.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Gayunman, hindi naman bumaba ang mortal ng team at sa katunayan ay optimistiko pa rin si coach Ernesto Balubar sa kanilang tsansa na kanyang hahawakan sa pangunguna ng mga natirang player na sina Jason Canlas, Karl Ian dela Calzada, Jeffrey Jimenez, Carlo Almario at Michael Conde.

Makatutulong ng mga nabanggit na manlalaro sina Reyvic Cerilles, Evan Raymundo, Salvador Timbal, Guarenio Gianan, Jophius Banang, Carlo Cabatingan, Ivan Bacolod, Areem Tamayo at Kirk Biliran.

Maliban sa IEM at Cagayan Valley, ang Spikers’ Turf, na inorganisa ng Sports Vision sa tulong ng Mikasa bilang official ball at PTV-4 bilang official television station, lalahok din sa men’s tournament ng liga ang Cignal, Fourbees, Air Force, Army, Ultera at Champion Infinity na dating Systema.

Batay sa napagkasunduang format, ang apat na mangungunang koponan, matapos ang single round eliminations, ang uusad sa semifinals na isa ring single round-robin stage kung saan ang dalawang mangungunang team ang magtutuos sa best-of-three finals series.

Pangungunahan ng NCAA champion na Emilio Aguinaldo College (EAC) ang Ultera team na kinabibilangan ni St. Benilde top hitter John Vic de Guzman habang ang Army ay pangungunahan naman nina Greg Dolor, Patrick Rojas, Antonio Torres at Jaidal Abdulmajid.

Mamumuno naman para sa Cignal si Reyson Fuentes, miyembro ng dating UAAP champion na National University (NU) habang sasandig naman ang Fourbees kina Perpetual Help standout Warren Catipay, Jack Kalingking, Neil Ytorzaita at Allan Jay Sala-an.

Para naman sa Philippine Air Force (PAF), tatayong lider sina Jeff Malabanan, Clarence Esteban, Dante Alinsunurin at Jukran Hamdan habang mangunguna naman sa Champion Infinity sina Chris Macasaet, Chris Antonio, Syl Honrade at ang actor at sportsman na si Richard Gomez.