Hindi mapawi ang aking galit sa ilang pahinante ng mga towing truck na mistulang dumadamba sa mga sasakyan upang hilahin at dalhin sa kani-kanilang impounding area. Sa mga katulad kong naging biktima ng walang pakundangang towing operations, hindi ba angkop lamang na ang ilang pahinante ay bansagang mga mandaramba? Sila ang itinuturing na mga salot ng lansangan na malimit mapaghinalaang mga carjackers.

Ang mga mandaramba ay kahawig ng mandarambong na ikinakapit naman sa ilang opisyal ng gobyerno, kabilang na ang ilang mambabatas na sinasabing nagsamantala sa kaban ng bayan. Nalantad ang gayong mga tiwaling lingkod ng bayan – at maging ang ilang pribadong mamamayan – dahil sa kasumpa-sumpang P10 bilyong PDAF scam.

Hindi ko makakalimutan ang dalawang nakapanggagalaiting insidente hinggil sa kapangahasan ng ilang pahinante ng towing trucks. Hindi maiiwasang magkaroon ng aberya ang ginagamit kong karag-karag na kotse sa kahabaan ng EDSA. Habang sinasalinan ko ng tubig ang radiator ng nag-overheat kong sasakyan, rumaragasang dumarating ang isang towing truck at mabilis na ikinasa ng mga pahinante ang kanilang panghila nang hindi man lamang dininig ang aming pakiusap. Natapos ang ganitong paghihirap ng kalooban nang kami ay makapagbayad ng kaukulang multa sa sinasabi nilang paglabag sa traffic rules.

Ang ikalawang insidente ay nangyari sa gilid ng tanggapan ng Manila Bulletin. Nagkataong ako ay dumalo sa isang mahalagang pagpupulong sa naturang tanggapan na kapatid ng aking pinaglilingkurang pahayagang Balita. Pagkatapos ng miting, natuklasan ko na lamang na hinila ng towing truck ng Intramuros Administration (IA) ang kotse na nagkataong pagamit lamang ng MB. Ipinagbigay-alam ng isang security guard na ang naturang sasakyan ay dinala sa impounding area ng IA. Nabawi rin ang kotse pagkatapos ng mahabang paliwanagan.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ang nakadidismayang operasyon ng ilang towing trucks ay marapat lamang busisiin ng kinauukulang mga local government units. Kabilang na rito ang sinasabing quota system o pakikihati ng ilang opisyal sa sinisingil na multa sa naturang operasyon. Dapat ding alamin ang paglipana ng mga colorum towing trucks na pinamamahalaan ng ilang opisyal ng gobyerno. Dapat lipulin ang sinasabing mga mandaramba sa lansangan.