Maaaring pinakatanyag na Pilipino si Manny Pacquiao sa buong daigdig ngayon, higit pa sa kahit na sinong opisyal ng gobyerno, higit pa sa kahit na sinong business o community leader. Nakilala siya dahil sa kanyang pagpapakitang-gilas sa boxing ring, kayrami niyang tinalo na kampeon sa daigdig tulad nina Oscar Dela Hoya ng Amerika, Juan Manuel Marquez ng Mexico, at Ricky Hatton ng Great Britain. Ang welterweight fight niya sa Mayo 2 kay Floyd Mayweather ang nagpaangat sa kanya at sa Pilipinas sa mas mataas na atensiyon ng buong mundo.

Ang kanilang laban sa Mayo 2 ay waring pumukaw sa mas malawak na atensiyon na kahit ang mga tanyag na atleta sa iba pang larangan ng sports ay nagpapahayag ng kanilang mga opinyon kung sino ang mananalo. Si Andy Murray, ang dating Wimbledon tennis champion, ay nagtayang magwawagi si Mayweather, binanggit ang superb defense ng American boxer at ang bentahe ng madla na mula sa sarili niyang bakuran. Una rito, sinabi ng tanyag na American heavyweight champion Mike Tyson na magwawagi si Pacquiao: “This guy is perpetual motion. He comes from every angle… always throwing punches, never stops.”

Ang “biggest in fight in history so far” ay ang middleweight bout  nina Marvelous Marvin Hagler at Sugar Ray Leonard  noong 1987, ngunit ang

“massively anticipated” na Floyd-Manny  showdown ang magpapataob sa superfight na ito, ani Hagler.  Si Thomas Hearns, na nilabanan sina Hagler at Leonard noon,  ang nagsabi na ito ay magiging “awesome fight” ngunit sa pagalay niya si Floyd ang mananalo. Si Roberto Duran, na lumutang din ang katanyagan sa boxing sa pakikipaglaban kina Hagler, Leonard, at Hearns, ang nagsabi, “I have always thought Pacquiao would win.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang huling sport heroes ay hati rin ang opinyon. Sinabi ni former heavyweight champion Evander Holyfield at middleweight champion Miguel Cotto na kay Manny sila. Sinabi naman ni Oscar Dela Hoya na parehong matinding sumuntok ang dalwa ngunit si Floyd ang may perfect timing.

Anang mga oddsmaker (tagahula ng magiging resulta ng tunggalian sa sports) sa Amerika, bahagyang paborito si Mayweather. Undefeated sa 47 laban, kilala siya sa kanyang mahusay na depensa. Ngunit si Pacquiao, na isang southpaw na may record na 50 panalo, limang talo, at dalawang draw, ay kilala sa bilis ng kanyang mga suntok.

Magiging labanan ito ng dalawang magkaibang estilo sa boxing – superb defense versus perpetual motion. Sa pagitan ng stamina at bilis ng kamao. Ang mga dakila sa boxing sa daigdig ay magdedebate sa dalawang estilong ito sa susunod na anim na linggo at sa pagsapit ng dakilang araw na iyon – Sabado nang gabi, Mayo 2, sa Las Vegas, na Linggo nang umaga, Mayo 3, sa Pilipinas.

Sa araw na iyon, isasantabi ng sambayanan ang lahat ng alalahanin nito – kalilimutan ang tungkol sa pork barrel, at ang magkaribal na mga mayor ng Makati, at ang Mamasapano – upang panoorin ang laban ng “Pambansang Kamao” para sa karangalan ng bansa. Ang malawak na debate sa mga estilo sa boxing ay malulutas at idadambana ng daigdig ang walang kaduda-dudang kampeon. Kung sino man ang manalo o matalo, ito ang magiging “biggest fight in history.”