Iisang tono ang inaawit ng dalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa na sina Pangulong Noynoy at VP Binay. Pulitika, pulitika at pulitika. Ito raw ang dahilan kung bakit inuungkat at inuukilkil ang sinasabing nagawa nilang pagkakamali at pagsasamantala sa kanilang kapangyarihan. Kay VP Binay, ito ang dahilan kung bakit iniimbestigahan ng senado ang pagpapagawa niya ng bagong City Hall ng Makati, Park Building at Science High School Building. Ito rin daw ang dahilan kung bakit pinasuspinde ng anim na buwan ng Ombudsman ang anak niyang si Mayor Junjun Binay.

Nang magtalumpati si Pangulong Noynoy sa pagtatapos ng mga magaaral sa Philippine Military Academy, pinasaringan niya ang bumabatikos sa kanya dahil sa nangyari sa Mamasapano. Bakit dito raw lang sila nakadiin at hindi nakikita ang kanyang mga nagawa sa ikabubuti ng bayan. Paninira lang daw dahil sa pulitika ang ginagawa ng mga ito. Pero ano ang nagawa niya sa bayan, yung bang sirang sira MRT, cocolisap na sumira ng napakalawak na taniman ng niyog, at DAP?

Napakahirap tanggapin ang katwiran ng dalawa para balewalain na lang ang nagawa nilang kasalanan sa bayan. Ang mamamayan naman ay marunong salain kung ang bintang sa isang namumuno sa bayan ay may batayan o wala. Madaling sabihin na pulitika o paninira lamang, eh pulitika nga ang naglagay sa kanila sa posisyon. Sa kaso ng Pangulo, ang pinag-uusapan dito ay 44 ang namatay sa SAF trooper. Nangyari ba ito kung napairal nang maayos ang plano na ipinatupad sa mga SAF commando? Kaya lalong umiinit ang isyung ito ay dahil ginagatungan mismo ito ng Pangulo. Kahit ipit o iniipit ang paglitaw ng mga ebidensiya eh malinaw din namang ipinakita ng mga ito na ang Pangulo ay isa sa mga responsable sa maling implementasyon ng operasyon. Pero sa kabila nito, ang dami pa siyang palusot. Sa kaso naman ni VP Binay, hindi maaatim ng kahit sino na sa proyektong ipinagawa niya ay kumita siya ng 1.3 bilyong piso na overpriced. Masasabi bang sa malinis na paraan siya kumikita kung kaya niyang sustentuhan ang sarili niyang kandidatura at ng mga anak niya sa pagka-alkalde, pagka-kongresista at pagka-senador na sabay-sabay tumatakbo? Maling halimbawa ang dalawa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente