Hindi lamang ang mga miyembro ng Ateneo de Manila women’s volleyball teal ang may hangad na mabigyang ang kani-kanilang sarili ng pagkakataong makapagpahinga at makasama ang kanilang mga pamilya kundi maging ang kanilang Thai coach na si Anusorn Bundit.
Aminadong hirap na hirap sila sa dalawang beses kada araw na pagsasanay at disipilinang ginagawa sa kanila ng mentor na tila nagsasanay sila sa isang kampo ng militar sa ilalim ni coach Tai, sinabi ni UAAP Season 76 at 77 UAAP women’s volleyball tournament MVP Alyssa Valdez na nauunawaan nila ito.
“He’s been hard on us in practice, but we understand na gusto lang niya kaming matuto at wala naman kami dito kung hindi dahil sa kanya,” pahayag ni Valdez.
Ayon kay Valdez, nararamdaman nila ang pananabik ng kanilang coach sa pamilya nito sa Thailand kung kaya sinikap din nilang manalo at mag-kampeon para dito.
“We played for him today kasi he really wanted to go home because he misses his family,” wika pa ni Valdez.
“It’s been a while since he went home and we realized that he misses his family every time na niloloko namin siya,” dagdag pa nito.
Samantala, magkahalong kaligayahan naman at kalungkutan ang nararamdaman ng buong Lady Eagles squad sa kanilang naging tagumpay.
Kaligayahan dahil nagbunga ang lahat ng kanilang pinaghirapan partikular sa taong ito kung saan sinabi ni Valdez na may matinding pressure para sa buong team magmula sa management hanggang sa kanilang coaches at sa kanilang mga players para mapanatili ang titulong napanalunan noong isang taon.
Ngunit nandoon din ang kalungkutan dahil kailangan nilang mamaalam sa tatlo nilang mga kakampi na nagkaroon din ng mahalagang papel sa kanilang naging tagumpay partikular ang libero na si Denden Lazaro, open spiker na si Ella de Jesus gayundin si Aeriel Patnongon.
“Malaking kawalan kasi sila, hindi lamang sa laro kundi ‘yung friendship at samahan na nabuo sa team. Alam naman natin ‘yung leadership na napo-provide lalo nina Ella at Denden pero higit sa lahat ‘yung pagiging isang pamilya na namin dito sa team,” paliwanag ni Valdez.
Sa ngayon, aniya, nanamnamin muna nila ang kanilang naging tagumpay na naitala nila sa pamamagitan ng rekord na perfect season matapos magtala ng all-time record na 16-0 bago pag-isipan ang mga susunod nilang hakbang.
“Siguro po pagbalik ni coach Tai galing Thailand, du’n mapag-uusapan ulit kung ano ang mga susunod na mangyayari sa team,” ani Valdez na tiniyak na babalik sa isang taon para sa kanyang huling playing year sa UAAP kung saan plano niyang mag-masters sa Ateneo dahil magtatapos na siya sa kanyang kursong AB Psychology ngayong katapusan ng school year.