Kulang at hindi dapat na maging sapat na batayan ang ulat ng Board of Inquiry (BOI) dahil hindi naman nakuhanan ng pahayag ang matataas na opisyal ng pulisya at militar na may kinalaman sa pumalpak na operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Maguindanao.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi puwedeng maging batayan ang ulat ng BOI dahil wala naman ang mga pahayag ng mga opisyal na may kinalaman sa insidente.

Aniya, mas maayos pa nga ang imbestigasyon ng Senado dahil may pahayag ang dating hepe ng PNP na si Director General Alan Purisima at ang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Gayunman, kumbinsido si Recto na naging maayos ang pagkakagawa ng ulat ng BOI at hindi ito nahaluan ng pulitika.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, maging ang kampo ni dating SAF chief, Director Getulio Napeñas ay duda rin sa ulat ng BOI.

Ayon kay Atty. Vitaliano Aguirre, abogado ni Napeñas, tanging ang kliyente lang niya ang makapagpapatunay na maayos ang Oplan Exodus.

“From day one, tinatanggap niya ang responsibility, ‘di itinatanggi ‘yun ni Gen. Napeñas. But with respect to some conclusions and findings of the BOI, may kaunti siyang reservation doon,” sinabi ni Aguirre sa panayam ng DZBB.

Tinukoy ni Aguirre ang konklusyon ng BOI na nabigo si Napeñas na kontrolin o pangasiwaan ang operasyon, na nauwi sa pagkasawi ng 44 na miyembro ng SAF.