Maging si dating Pangulong Fidel V. Ramos (FVR) ay umaalma na at dismayado sa paninisi ni Pangulong Noynoy Aquino kay ex-PNP Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas sa pumalpak na Mamasapano operation noong Enero 25. Naniniwala si Mr. Tabako na “very unpresidential” ang mga aktuwasyon at reaksiyon ni PNoy hinggil sa operasyong ang pinamahala ay si suspended PNP Chief Director General Alan Purisima at iniwan sa “dilim” sina DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina.
Hindi nagustuhan ni FVR ang talumpati ng binatang Presidente sa harap ng mga lider ng evangelical groups nang ibagsak niya ang bigat ng sisi kay Napeñas at hindi man lang kinanti sina Purisima at maging ang MILF sa brutal na pagpatay sa mga commando kahit ang ilan sa kanila ay sugatang nakahandusay at pinagbabaril nang malapitan.
Dismayado rin si FVR sa paggamit ng lengguwahe ni PNoy sa kanyang speech (“binola”, “sinungaling”, “tatanga-tanga”) at ibinunton kay Napeñas ang sisi upang iligtas ang sarili sa pananagutan. “If that language were used in a group of international leaders or even just ordinary foreigners visiting the country, the impact, including the message given, would have been so negative for our country,” pahayag ni FVR,
Binira rin niya ang mga adviser ni PNoy dahil sa pagkabigong mapanatili ang dignidad ng Office of the President. Bigo umano ang mga tagapayo sa kanilang tungkulin na maitaas ang pagtingin ng taumbayan sa Panguluhan.Sa halip, ang Pangulo ay naging puntirya ng katakut-takot na kritisismo at negatibong komento mula sa kanyang “boss”.
Sinabi ni FVR na si PNoy ay hindi lang isang ama ng bansa at commander-in-chief ng AFP at PNP kundi isa rin siyang “navigator” ng ating bayan. Ibig sabihin, siya ang gumagabay sa direksiyon na dapat patunguhan ng Pilipinas at sumasagwan sa bangka tungo sa kaaya-ayang destinasyon.
Iginiit ni PNoy sa kanyang talumpati sa harap ng mga lider ng evangelical groups na “binola” siya ni Napeñas, nagsinungaling at binigyan siya ng maling impormasyon at sinuway ang kanyang utos na makipag-coordinate sa military kung kaya ang misyon ay naging isang “impossible mission” na nagresulta sa kagimbal-gimbal na trahedya.