Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang turn over ceremony para sa 55 bagong Toyota Hi-Ace van sa Philippine National Police (PNP) upang mapalakas ng pulisya ang kapabilidad sa pagsugpo ng krimen.
Prioridad sa paggamit ng mga bagong Hi-Ace van ay ang PNP Crime Laboratory Service (CLS) na unang rumeresponde sa pinangyarihan ng krimen upang magsagawa ng imbestigasyon.
“Ang bawat rehiyon, magkakaroon nito,” pagtitiyak ni Roxas.
Bukod sa mga Regional Crime Laboratory Office (RCLO), ipamamahagi rin ang mga van sa iba’t ibang directorate office sa National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City at sa iba pang national support unit tulad ng Anti-Kidnapping Group, Anti-Cybercrime Group, Aviation Security Group, Criminal Investigation and Detection Group, Police Community Relations Group, Directorate for Police Community Relations, Public Information Office at Logistics Support Service.
Aniya, makatutulong ang mga bagong sasakyan para sa pagpapaigting ng kampanya sa police visibility.
Sinabi rin ni Roxas na bibili rin ang PNP ng 1,470 bagong patrol jeep na kasalukuyan ay nasa post-qualification stage.
Aabot sa P1.4 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa single cab patrol jeep, na ipamamahagi rin sa lahat ng munisipalidad sa bansa.
“Ang bawat bayan ng ating bansa ay magkakaroon ng minimum na isang patrol jeep in the next 12 months,” siniguro ni Roxas.
Bukod sa pagsugpo sa krimen, sinabi ng kalihim na magagamit din ang mga bagong sasakyan sa medical evacuation at disaster response. - Czarina Nicole O. Ong