Magkakaroon na ngayon ng pagkakataon ang mga koponan at manlalaro ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), kahit na ang kanilang reserved players o nasa pool B, ng exposure bago sumalang sa regular season ng liga.
Sa pagkakataong ito ay hindi lamang ang mga manlalaro sa iba pang collegiate leagues kundi ang mga dating ex-PBA players at ilang beteranong basketball cagers ang kanilang makakatunggali sa bagong liga na Filsports Basketball Association (FBA) nina dating PBA star Vince Hizon bilang commissioner at chairman LJ Serrano.
Ayon kay Hizon, ang liga na kanilang binuo at inilunsad ay nakatuon na makatulong sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang tumuklas ng mga bagong talento sa iba’t ibang sulok ng bansa. Sila ay mayroon nang basbas sa UAAP board na nagbigay ng pahintulot para sa UAAP teams, players at mga mag-aaral na i-enroll sa kanilang mga member schools upang maglaro sa kanilang liga.
Sa katunayan, kabilang sa unang koponan na kalahok ngayon sa liga ay ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons.
Ngunit bukod sa tulong na maibibigay nito sa UAAP teams para makapaghanda, pangunahing hangad din ng liga, partikular ng mga namumuno ditto, na maibahagi ang lahat ng kanilang mga kaalaman sa mga kabataang Pinoy.
“We want to pass on the knowledge,” ani Hizon na inaasahang matutulungan ng dalawa pa niyang dating PBA stars na sina Nic Belasco at Ali Peek na magsisilbing mentor at assistant coach ng Laguna Busa Warriors.