Kahit noon pang sinaunang panahon, ang mga kababaihan ay nagpamalas na rin ng pambihirang katapangan at kagitingan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Lagi nating dinadakila, halimbawa, sina Tandang Sora, Gabriela Silang, Gregoria de Jesus at marami pang iba.
Sa paggunita ng Women’s Month ngayong makabagong panahon, lumutang naman ang iba’t ibang grupo ng kababaihan na nagpamalas din ng natatanging katangian at kaalaman sa iba’t ibang larangan. Sa edukasyon, negosyo, sining at kultura.
Ang Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy ay pinasok na rin ng mga kababaihan. Hindi iilang babaeng kadete ang magtatapos ngayong taon sa PMA at PNPA, tulad noong nakalipas na mga taon. Katunayan,may mga babaeng heneral na rin sa grupo ng kapulisan. Maging ang mga pribadong security agency ay tumanggap na rin ng mga babae.
Ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay pinamamahalaan na rin ng mga kababaihan. Ang Korte Suprema ay pinamumunuan ng isang babae: gayundin ang Commission on Audit, Office of the Ombudsman at iba pa. At maipagkakapuri ang mga paraan ng kanilang panunungkulan na maaaring higit pa ang kahusayan kaysa sa mga kalalakihan.
Ang larangan ng pulitika ay hindi pinaligtas ng mga kababaihan. Dalawa sa kanila ang nahalal na rin bilang mga Pangulo ng bansa – sina Presidente Cory Aquino at dating Pangulong Gloria Arroyo. At tiyak na may mga susunod pa sa kanilang mga yapak. Gayundin sa Senado, Kamara at maging mga local government units na ang ilan ay kabilang sa political dynasty.
Totoong hindi iilan sa grupo ng kababaihan ang nagpamalas ng kanilang matatag na paninindigan sa buhay. Kabilang dito, halimbawa, si Maggie Dela Riva, ang artista na naging biktima ng kasumpa-sumpang panghahalay. Hindi siya naduwag na dumulog sa may kapangyarihan upang humingi ng katarungan. Hinatulan ng bitay ang tatlong gumahasa sa kanya.
Si Maggie, at ang iba pang kababaihan, ay tunay na kahanga-hanga sa kanilang katalinuhan, katapatan at katapangan.