Iniulat ng Department of Health (DoH) na hinihinalang bird flu ang naging sakit ng isang overseas Filipino worker (OFW) na dumating sa bansa mula sa China kamakailan ngunit namatay dahil sa mabilis na paglala ng kondisyon nito.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Health Secretary Janette Garin na sakali man na makumpirmang bird flu ang ikinamatay ng OFW ay wala pa ring dapat na ikabahala ang publiko dahil ang pagkamatay at pag-cremate dito ay hudyat na matitigil na ang anumang posibleng pagkalat ng sakit.

Nabatid na nabigyan na rin ng prophylaxis o Tamiflu ang mga taong nagkaroon ng contact sa pasyente.

Ayon kay Garin, may anim katao ang nagtrabaho sa China at nang magkasakit ang OFW ay nagpasyang umuwi ito noong Pebrero 9 upang makapiling ang kanyang pamilya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Gayunman, kinabukasan, Pebrero 10 ay dumaing ito ng pananakit ng tiyan at nakaranas rin ng ubo at lagnat.

Kumonsulta ito sa doktor noong Pebrero 11 ngunit lumala ang karamdaman nito at namatay noong Pebrero 14.

Una umanong ikinunsidera ng DoH na posibleng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirs (MERS-Cov) ang karamdaman ng biktima ngunit nang mapag-aralan ang background nito ay natuklasang nalantad ito sa live poultry sa China kaya mas malamang na bird flu ang tumama sa kanyang sakit.

“If indeed this patient contracted bird flu, his death has ended other possibility of transmission,” pagtiyak ng Kalihim.

Sa kabila naman nito, sinabi ni Garin na hindi pa rin dapat na magpabaya ang lahat at kinakailangang maging maigting sa pagbabantay upang matiyak na hindi makakapaminsala sa bansa ang naturang mga sakit.