RIO DE JANEIRO (AP)– Napanalunan ni David Ferrer ang ikalawang torneo para sa season at ang ika-23 ATP singles title ng kanyang career nang kanyang talunin si Fabio Fognini kahapon, 6-2, 6-3, sa final ng Rio Open.

Nakuha ni Ferrer ang lahat ng walong matches na kanyang inilaro kontra Fognini, kabilang ang huli, ang final sa clay sa Buenos Aires noong nakaraang taon.

Si Ferrer ng Spain ang seeded No. 2 sa clay-court tournament sa likuran ng kababayang si Rafael Nadal.

Tinawag niya itong kanyang “best match of the tournament” at sinabing sinasanay pa niya ang sarili sa ilalim ng bagong coach na si Francisco Fogues matapos ang mabagal na 2014 season.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

‘’It was not easy to adjust,’’ saad ng 32-anyos na si Ferrer, na nakuha ang pinakamagandang umpisa sa kanyang career. ‘’This year I have recovered this relaxed feeling with the new coach.’’

Nakopo rin ni Ferrer ang Qatar Open sa Doha, ngunit isinantabi muna ang pag-iisip tungkol sa French Open.

‘’From this moment forward I am only thinking about playing next week in Acapulco on hard courts,’’ ani Ferrer. ‘’I don’t think much farther ahead than just enjoying this victory.’’

Nakakuha si Fognini ng upset laban sa top-seeded na si Nadal sa semifinals noong Sabado, 1-6, 6-2, 7-5. Ang pagkatalo ang tumapos sa 52-match winning string ni Nadal sa clay sa semifinals.

Si Nadal, tinaguriang “The King of Clay” at nagma-may ari ng 14 Grand Slams, ay hindi pa nakaaabot sa final sa kanyang unang tatlong torneo ngayong season.

Sa women’s final, tinalo ng top-seeded na si Sara Errani ng Italy si Anna Schmiedlova ng Slovakia, 7-6 (2), 6-1. Ito ang ikawalong WTA singles title ni Errani at ang kanyang una mula nang manalo sa Acapulco, Mexico dalawang taon na ang nakararaan.

Ang nasabing panalo rin ang nag-angat kay Errani sa No. 12 sa WTA ranking, ang pinakamalapit niyang tsansa na makabalik sa top 10.

‘’I’m close, but that’s not my objective,’’ aniya. ‘’The most important thing for me is to practice well, do things right and improve. And I think when you do things the right way, other things follow.’’