Hiniling ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) para sa Pilipinas ang isang leader na may kakayahang disiplinahin ang pulisya at militar at hindi kailanman masasangkot sa katiwalian.
Ayon sa grupong nanawagan din sa sambayanan na sundin ang kahilingan ni Pope Francis na iwaksi ang mga leader na nasasangkot sa pangungurakot, panahon na upang magkaroon ng leader na tulad ng mga kongresistang hindi tumanggap at nakinabang sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Kailangan natin ang leader na may tapang na lulutas sa dalawang pangunahing problema ng ating bansa: korupsiyon ng mga nanunungkulan sa bayan at sobrang krimen o kawalan ng kapayapaan at kaayusan,” pahayag ni 4K Vice President Ronald Mendoza.
Ayon kay Mendoza, may ilang lider na tiyak na igagalang ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at iyon ang kailangang mailuklok sa Malacañang.