Handa at kumpleto na ang lahat ng mga kalahok sa darating na 2015 PBA All-Star Weekend na nakatakdang ganapin sa Puerto Princesa Coliseum sa Palawan sa Marso 5-8.
Nasa hanay ng South All Star team, na gagabayan ni Philippine Cup runner-up Alaska coach Alex Compton, ang dalawang higante ng liga na sina reigning MVP Junemar Fajardo ng San Miguel Beermen at ang nakaraang taong top rookie na si Greg Slaughter ng Ginebra San Miguel makaraang manguna sa naganap na botohan ng fans,(38,107 votes at 31,310 votes, ayon sa pagkakasunod).
Kasama rin nila sa South team at nakatakdang maglaro sa kanyang league record na ika-13 All Star Game ang beteranong sentro ng NLEX na si Asi Taulava.
Nasa starters din ni Compton ang Purefoods Star tandem nina James Yap at Mark Barroca.
Nanguna naman para sa North team, na hahawakan ni Philippine Cup champion San Miguel Beer coach Leo Austria, si Hotshots big man Marc Pingris na nakakuha ng 23,947 votes.
Makakasama naman niya sa koponan sina Alaska forward Calvin Abueva, Barangay Ginebra forward Japeth Aguilar at kakampi nito na si Mark Caguioa at reigning slam dunk champion Justin Melton ng Purefoods.
Nakatakda namang ipag-tanggol ni Melton at co-champion na si Rey Guevarra ng Meralco ang titulo sa slam dunk kontra sa iba pang league high leapers na sina Abueva, Chris Ellis ng Ginebra, KG Canaleta ng NLEX, Aguilar, JC Intal at Matt Rosser ng Talk ‘N Text.
Muli namang itataya ni Mark Macapagal ang titulo bilang 3- point king kontra sa iba pang kilalang 3-point shooters ng liga na sina Yap, Dondon Hontiveros, Arwind Santos, Canaleta, Brian Heruela, LA Tenorio, Terrence Romeo, LA Revilla at ang maglalaro para sa kanyang huling All Star na si Jimmy Alapag.
Back-to-back crown din ang target ni Barroca sa Obstacle course kung saan ay makakalaban niya ang dating kampeon na si Jonas Villanueva, Tenorio, Revilla, Heruela, Simon Atkins, RR Garcia, Chris Banchero, Stanley Pringle, Jayson Castro at Jeric Fortuna.
Para naman sa Rookies-Sophomore blitz game, tampok para sa all rookie team ang top pick na si Pringle, Kevin Alas, Ronald at Jake Pascual, Banchero, Rosser, Anthony Semerad, Heruela at Kia playing coach Manny Pacquiao.
Makakatapat naman nila ang Sophomore team na pangungunahan nina Romeo, Raymund Almazan, Fortuna, Melton, Garcia Camson, Nuyles at Revilla.
Ang mga reserve naman ng South at North All-Star ay pipiliin ng 12 coaches ng liga.