Sasabakan ng mga pinakamagagaling na triathletes at celebrities ang Yellow Cab Challenge Philippines Subic-Bataan sa Pebrero 21.
Pangungunahan ng ilan sa TV personalites ang karerang ito na tulad ni Drew Arellano na babaybayin ang 1.9km swim, 90km bike, at 21.1km run. Aarangkada rin ang GMA news anchor na si Kara David sa Powerpops TriKings (para sa running) habang ang dating TGIS actor na si Onemig Bondoc ay hahataw sa run relay.
Inaasahan naman na magpapakitang gilas sina dating PBB housemate Paul Jake Castillo, TV commercial director at entrepreneur Sid Maderazo, at triathlon coach Miguel Antonio Lopez. Ang karerang ito ang may pinakamalaking premyo sa Asya.
Noong nakaraang taon, ang challenge race sa bansa na TRIMAG Asia na ginanap rin sa Bataan ay binansagang pinaka-prestihiyosong triathlon race sa buong rehiyon ng Asya. Dinaluhan ito ng 729 mga atleta, kabilang na ang dalawang crown prince ng Bahrain.
Sa taong ito, asahan na ang kapana-panabik na bakbakan ng mga koponan sa YellowCab Challenge Philippines.
Ang YellowCab Challenge Philippines ay isasahimpapawid sa halos 82 bansa kung saan ay maipapakita na ang Pilipinas ay isa sa pinakamagandang sports destination.
Inihayag rin ng organizers ang pagratsada ng YellowCab Challenge Philippines sa Hunyo 14 sa Camarines Sur. Inaasahang dadalo ang ilan sa mga multi-awarded world champs sa karerang sinasabing isa sa pinakamabilis sa buong mundo.
Maliban sa kompetisyon, magkakaroon rin ng isang magarbong post-race awards party sa Lighthouse Resort sa Subic na dadaluhan ng sikat na mga artista at mga atleta na galing sa iba’t bang panig ng mundo. Ang world-class na karera ay magsisimula sa Camayan Beach Resort, Subic Bay at magtatapos sa probinsya ng Bataan.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang Challenge Philippines website sa http://challengephilippines.com.ph.