Madadagdagan ang allowance ng mga kumikita ng minimum sa Caraga Region sa susunod nilang suweldo matapos magpalabas ng resolusyon tungkol dito ang regional wage board, na naging epektibo nitong Sabado.

Inihayag ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-Caraga na inaprubahan na ang three-part Wage Order No. RXIII-13 na makatutulong sa mga manggagawa para makaagapay sa tumataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo sa rehiyon.

Ang bagong wage order, na naging epektibo nitong Pebrero 14, 2015, ay nagtataas sa cost-of-living-allowance (COLA) ng mga sumusunod na industriya at sektor: ang mga non-agriculture worker ay makakukuha ng P15 COLA; ang nasa agrikultura at plantasyon ay may P20 COLA; P20 rin sa COLA ng mga nagtatrabaho sa agriculture-non-plantation; P20 rin sa retail industry na may empleyadong hindi hihigit sa 10; at P15 COLA sa retail service na may mahigit 10 manggagawa.

Sa Mayo, magkakaloob pa ng karagdagang P5 sa COLA para sa mga manggagawa sa agriculture-non-plantation at sa retail sector na may hindi hihigit sa 10 empleyado.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

May P5 dagdag din sa COLA ng mga nagtatrabaho sa agriculture-non-plantation at sa mga retail business na may hindi hihigit sa 10 manggagawa pagsapit ng Setyembre 1, 2015.

Saklaw ng bagong wage order ang mga minimum wage earner sa Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Island at mga lungsod ng Butuan, Surigao, Bislig, Cabadbaran, Bayugan at Tandag.