Kailangan pa bang pagkatiwalaan ng ating gobyerno at ng taumbayan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang puwersa ng bandidong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos nilang brutal na paslangin ang 44 kasapi ng PNP Special Action Force (SAF)? Paniniwalaan ba natin na hindi nila alam na sina Malaysian bomb expert Zulkfli bin Hir, alyas Marwan, at Abdul Basit Usman, ay nakatira o nagtatago sa kanilang komunidad?

Walang maniniwala sa pahayag ng pamunuan ng MILF na hindi nila batid na si Marwan ay nasa Mamasapano na kontrolado nila at may mga barangay sa liblib na lugar. Siguradong kilala ng mga residente ang kanilang mga ka-barangay mula ulo hanggang paa. Samakatwid, kapag may isang estrangherong tao ang nagawi o nagpunta sa kanilang barangay, tiyak na mapupuna nila ito.

Noong ako'y bata pa hanggang sa magbinata sa baryo San Agustin, San Miguel, Bulacan, kilala ko ang mga kababaryo. Dahil dito, kapag may ibang tao na dumalaw sa kanyang kamag-anak, napapansin namin ito dahil siya ay bagong mukha sa baryo. Kapag may isang dalaga na nagbakasyon, nababalitaan namin at tinitingnan kung maganda.

Sabi nga ng kaibigan kong nanggigigil sa galit dahil sa pagkamatay ng SAF 44 sa kamay ng MILF-BIFF: "Tell that to Hitler." Garantisadong ikinakanlong ng MILF at ng BIFF sina Marwan at Usman. Tandaang ang mga kasapi ng dalawang grupo ay magkakamag-anak kahit sinasabi nilang magkaiba sila ng ideolohiya. Hindi kapani-paniwala na hindi batid ng MILF at ng mga residente na may mga bahay na ipinatayo sina Marwan at Usman sa kanilang liblib na pook, tulad ng Tulikanipao.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bilang parangal sa nasawing 44 SAF police officers, narito ang maikling tula: "Apatnapu't apat o Fallen 44, maagang nalagas wala sa panahon, walang agam-agam tumugon sa hamon, nagbuwis ng buhay kahit maparool".