Pangungunahan ng isang pares ng karters ang limang honorees na gagawaran ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng Tony Siddayao Awards sa Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Corp. sa Lunes sa 1Esplanade sa Pasay City.

Ang riders na sina Zachary David at Gabriel Tayao Cabrera ay sasamahan ng golfer na si Mikhaela Fortuna, chesser Paulo Bersamina, at swimmer na si Kyla Soguilon sa huling batch ng mga kabataang atleta na pararangalan ng espesyal na award na ipinangalan sa yumaong Manila Standard sports editor na si Tony Siddayao, ang kinikilalang Dekano ng Philippine sportswriting.

Ang parangal ay ibinibigay ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa sa mga natatanging atleta na may edad 17 pababa na nagpakita ng kakaibang galing sa kanilang isports.

Sina David at Cabrera ay namayani sa kanilang dibisyon sa Asian Karting Open Series na idinaos sa Macau.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa kabilang dako, nanguna si Bersamina sa U-20 event ng 15th ASEAN Age Group Chess Championships upang makuha ang kanyang International Masters title.

Para naman kay Fortuna, nakopo niya ang US Kids-Teen World Golf Championship 13-division sa US, habang nagningning si Soguilon sa dalawang internasyonal na torneo, kabilang ang 16th Royal Bangkol swimfest kung saan nakahakot siya ng anim na gintong medalya.

Silang lima ay kabilang sa mahabang listahan ng honor roll, na pangungunahan ni PSA Athlete of the Year Daniel Caluag, na kikilalanin para sa kanilang achievements noong 2014 sa isang pormal na pagititipon kung saan principal sponsors ang Meralco, Smart, at MVP Sports Foundation habang major sponsor naman ang Philippine Sports Commission.

Si PSC chairman Richie Garcia ang magsisilbing keynote speaker para sa event.

Ang back-to-back UAAP cheerdance competition champion na National University ay muling ipapakita ang kanilang galing na nagbigay sa paaralan ng kanilang dalawang sunod na titulo sa kanilang pagbibigay ng aliw sa mga awardee at bisita sa kanilang espesyal na numero.

Ang awards rite, na suportado rin ng 1Esplanade, Globalport, El Jose Catering, PCSO, Rain or Shine, PBA, Maynilad, Accel, ICTSI, PAGCOR, National University, at Air21 ay kikilalanin din ang NU Bulldogs (President’s Award), Hans Sy (Executive of the Year), MVP Sports Foundation Inc. (Sports Patron of the Year), the 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award), Tim Cone (Excellence in Basketball), Mitsubishi (Hall of Fame), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo), at sina Princess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).

Mapupunta naman ang major awards kina Donnie Nietes, San Mig Coffee team, Gabriel Luis Moreno, Michael Christian Martinez, San Beda Red Lions, June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, Mark Galedo, Daniella Uy, Mikee Charlene Suede, Jessie Aligaga, Jean Claude Saclag, Philippine dragon boat team, Philippine poomsae team (male over 30), Philippine poomsae team (freestyle), Kid Molave, at Jonathan Hernandez.