“We have exhausted all remedies. Pero tinuloy ng MILF ang bombing, kidnapping at pamumugot ng ating mga sundalo sa Al Barka (Basilan). We have to wage war to have peace” - ito ang sinabi ni dating Pangulo at ngayon Mayor Erap Estrada nang tanungin tungkol sa Fallen 44 ng PNP-SAF na inubos ng MILF at BIFF. Hindi mga rebeldeng maituturing ang naturang grupo. Pumasok kayo sa kahit anong computer shop at saliksikin sa Google kung anu-anong karumal-dumal na insidente ang pinanguluhan ng kaharap natin sa peace process, at agad tatambad ang sagot sa iyong katanungan.

Ang deka-dekadang pambobomba sa inosenteng sibilyan – bata, madre, atbp. at sa mismong palengke, bus station, pier, at matataong lugar na umpukan ng pangkaraniwang buhay. Sa diretsahang pananalita – mga terorista, ang kahuntahan ng tanggapan ng Presidential Adviser on the Peace Process (Deles, Koronel-Ferer, Bacani). Mga professor na nagmamatalino dahil sa kanilang edukasyon -- maraming teorya na ibig ipilit sa bayan sa pagtatamo ng kapayapaan. Wika nga, magaling magturo, pero palpak pag sila na ang magpapatakbo sa totoong buhay.

Balik-tanawin ang kasaysayan at basehan ng sinalita ni Erap – dekada 50, ang Tanggulang Kalihim na si Ramon Magsaysay Sr. ang lumipol sa Huks, kaya hinalal siyang Presidente; Si Pangulong Ferdinand Marcos ang nagpakulong sa mga lider na si Jose Ma Sison at Nur Misuari at nagkaroon ng unawaan sa Pilipinas at Libya. Kaya lang, sino ba nagpakawala sa dalawa? At muli sumiklab ang kaguluhan. Panahon ni Erap, nabawi ng estado ang Abu Bakar at 40 kampo ng MILF. Bumalik sila sa kani-kanilang lungga na bahag ang buntot. Kaya lang binuhay muli ng mga sumunod na pamahalaan.

Matanong lang, sino ba nagpopondo sa kaguluhan at padrino ng MILF? Di ba Malaysia? Eh di lokohan ito. Sa naganap na trahedya sa Mamasapano, sigaw ng bayan, hustisya! Paano masusungkit ang hustisya, kung sa ngayon pa lang, hugas-kamay na ang ilang senador, Liberal Party, ilang opisyal PNP, atbp. na wala daw kasalanan ang Palasyo? Na walang alam si PNoy? Akala ko ba imbestigasyon ito? Di ba Truth Commission? Dapat walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, tamaan ang tamaan. Tigilan rin yang pagtatakip at palusot ng MILF. Nabilog na tayo. Ipatupad ang buong puwersa ng Republika at batas sa Maguindanao.
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras